KAMBAL
Mistulang napakalawak na entablado ang mundo
Kanya-kanyang papel na dapat gampanan ng bawat tao
Madilim na kagubatan na mapanglaw
Tanging mga alitaptap ang tanglaw
Sa ilalim na makapal na ulap
Nagluluksa ang mga kulisap
Tumatangis ang mga inakay
Pugad nila’y nakalaylay
Nananaghoy ang mga bayawak
Lupang ginagapangan ay wakwak
Lupaypay na ang mga halaman
Kapaligiran ay kalbo na sa laman
Pagpaslang at paglagas
Sinilangang tahanan ay walang ligtas
Sa mga kamaong walang awa
Kakambal kong kalikasan ay kaawa-awa
Minsan lamang tayo daraan sa daigdig na ito
Isang pagkakataon na arugain ang mundo
Paharaya ay inaawit ng kalikasan
Hapdi at pighati ay pinakikinggan
Ang kalikasan ay kapaki-pakinabang
Sadyang ang mga tao’y nagpapakamangmang
Bundok na humaharang sa mapaminsalang buhawi’t bagyo
Dagat,batis, talon na matatampisawan kahit malayo
Hayop ay kaulayaw sa ating bukid at tahanan
Mahalimuyak na bulaklak sa kagubatan
Sa tuwina’y maaasahan talaga ang kakambal
Pagkasira ng kalikasan ay nakagigimbal
Tumatakbo ang orasan
Sagipin natin ang kalikasan
Para sa ating kinabukasan
Na maipapamana sa kabataan
Ang mundo ay hiyas na dapat alagaan
Walang pagkakaiba sa kayamanan
Ang pagpatay sa kalikasan ay karumaldumal
Hahayaan ba natin mamatay ang ating kakambal?