Letters of Youth

KALAYAAN AT DEMOKRASYA: PAGYAMANIN O ABUSUHIN

/ 25 July 2022

Ipinaglaban ang kalayaan ng mga bayani ng bayan
Kailangang pagyamanin at alagaan para sa kabataan
Malayang pagpapahayag ng sarili na walang hanggan
Biyaya at kayamanan ating tangan-tangan
Malawak ba ang ibig sabihin ng kalayaan?

Sa mga taong walang humpay sa pagbatikos sa pamahalaan
Welga, sigaw, protesta, martsa ay laman ng kalsada’t daan
Kulubot na, puti na ang buhok, tumanda na walang kinatandaan
Pagbabagong inaasam-asam ay pinagsamantalahan
Matuwid ba ang ibig sabihin ng kalayaan?

Pagkakaisa ang kasagutan, hindi siraan
Pag-unlad at progreso inaasa sa pamahalaan
Nasa bawat Pilipino ang kinabukasan ng bayan
Iyan ang itanim sa kaisipan ng kabataan
Malalim ba ang ibig sabihin ng kalayaan?

Bawat Pilipino ay may mithiin sa kanyang lipunan
Bawat isa ay may pananagutan sa perlas ng sinilangan
Tayong mga Pilipino ang manlulupig sa kalayaan
Di pasisiil sa dayuhan o kahit sa kapwa Pilipino man
Mapagtuos ba ang ibig sabihin ng kalayaan?

Taong bayan ang tunay na pamahalaan
Tayong Pilipino ang may hawak ng kapangyarihan
Iyan ang kahalagahan ng demokrasyang halalan
Buong Pilipinas ang may kapasiyahan
Madungis ba ang ibig sabihin ng kalayaan?

Nagmumula sa sarili, sa isip, puso, salita, at sa gawa
Walang pagbabago na nagsisimula sa iba
Ang kabataan ang s’yang kaawa-awa
Ipapamana ang patuloy na pakikibaka
Masalimuot ba ang ibig sabihin ng DEMOKRASYA?