ISANG HAKBANG PASULONG
May mga bagay talaga na matagal nang ipinapanalangin sa mga bituin. Mga bagay na sadyang hindi dapat na minamadali dahil kusa naman iyang darating. Iyong iba’y nakakayanang maghintay ng mas matagal, sana ganoon ka rin. Panghahawakan ang pag-asang may bukas na siyang bubura sa kahapon. Pero, ano nga ba ang pag-asang iyon? Anong pinanghahawakan mo’t kaytagal mong nag hihintay?
Nangangapa, baka mahulog sa sariling bangin ng pangamba’t pagdududa. Hindi pa rin maaninag ang dapat na kapitan upang makaahon. Nais nang pigain ng nanghahamong panahon at pilit na ikinikintal ang sampal ng kahapon. Madalas na nagbubuwis ng mga araw at gabi para lamang mabura ang marka nito. Sa mundong ito maraming mata ang nakaririnig. Sa mundong ito maraming labi ang nakakakita ng iyong mga mali, sadyang mapanghusga. Bulag sa pagpapahalaga, maang-maangan sa karapatan na dapat malaya rin ang iba. Malayang maghilom sa mga sugat.
Nanghihina’t napapagod katatakbo na hindi man lang alam kung ano at saan ang patutunguhan. Nais nang huminto at humihikbi na lamang sa isang sulok. Nakatingala’t nanghihingi ng saklolo sa mga tala sa kalangitan na baka dinggin ang mga ipananalangin. Napatingin sa mga guhit ng palad. Bakit may mga bagay na matagal nang hinihiling sa mga bituin na hindi malaman kung kailan darating? Tunay ngang napakailap nitong tagumpay. Hanggang sa mayroong napagtanto, paluin ka man ng mundo, ayos lamang ang magpahinga’t huminto dahil ang higit na mahalaga ay ang isang hakbang pasulong at matatagpuan ang hiwaga’t pagpapala sa dulo.