HILING
Kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin ay ang pagsakop ng mga itim na ulap sa kalangitan. Tila nagbabadya na naman ang pagbuhos ng ulan sa hapong iyon.
Pinunasan ni Lester ang pawis na tumutulo sa kaniyang noo. Hinahabol pa niya ang kaniyang hininga habang nagsisilbing pampalamig ang pagpapaypay niya sa kaniyang sarili gamit ang suot niyang lumang kamiseta.
“Narito na po ako, Inay,” sambit ng binatilyo habang ibinibigay ang bulaklak na mirasol sa kaniyang kausap.
Matapos nito’y nagsimulang magkuwento si Lester sa kaniyang butihing ina. Sinabi nito kung paano siyang pinarangalan sa kanilang paaralan matapos niyang manalo sa isang patimpalak sa pagsulat ng lathalain. Ibinahagi niya kung paano raw naantig ang lupon ng inampalan sa piyesang kaniyang ipinasa. Bilang pabuya sa kaniya ay inilibre din siya ng kaniyang tagasanay sa isang kainan.
“Alam po ba ninyo kung ano ang paksang ibinigay sa amin?” tanong ni Lester nang maalala ang mga pangyayari sa nasabing tagumpay.
Wala pang natatangap na sagot ang binatilyo nang magpatuloy siya sa pagsasalaysay.
“Tinanong ng mga hurado kung ano ang hiling namin sa mga oras na iyon. Isang hiling lang daw ang dapat naming ilagay at talakayin. Alam po ba ninyo kung ano ang inilagay ko?”
Kasabay ng muling pag-ihip ng hangin ay ang pagsisimula ng pagpatak ng mumunting butil ng ambon.. Huminga muna nang malalim si Lester.
“Na sana, kahit isang beses man lang, Inay – muli kitang makita at mayakap nang napakahigpit,” ani ng lumuluha nang binatilyo habang hinahaplos ang lapida ng puntod na nasa harap niya.