Letters of Youth

HALIKA!

/ 27 August 2021

Halika! Lumingon ka sa kanan at sa kaliwa
Naririnig mo ba?
Sarili mong bibig
Na puno ng maraming tinig
Tinig na hindi kaibig-ibig
Wikang Filipino patuloy kang inuusig
Inuusig pabalik
Pabalik kung saan ka nanggaling
Modernong wika’y dapat ilibing
At hindi na muling bigyang ningning
Marami kang dapat pagtuunan
Hindi ang makiuso at makisama sa karamihan

Halika! Lumingon ka sa kanan at sa kaliwa
Naririnig mo ba?
Wikang tila nakasanayan na
Ay saglit lang! Baka maguluhan ka
Ang wikang sinasabi kong nakasanayan na
Ay hindi ang wikang tradisyonal na kinagisnan ng ating bansa
Ngunit ang wikang modernisado
Na tila nagsalin-salin sa bibig ng mga tao
Bakit nga ba nagkakaganito?
Hindi na pinag-uusapan ang distansiya
Dahil kahit nga katabi mo na, “I-chachat” mo pa
Tila umuurong ang mga dila
Hindi mo na magawang magsalita
Nawawala ang tamang komunikasyon sa bawat isa
Kakamustahin mo dapat siya, hindi mo na ginawa
Pinagmasdan mo na lamang ang mga litrato niya sa Facebook
Ano ba ‘yang istilo mong bulok?

Kaibigan kita, kaibigan mo siya
Ngunit di tayo halos magkaintindihan dahil sa modernong wika
Filipino ka ba talaga?
Sapagkat kung gumagamit ka ng mga di kinikilalang modernisadong salita
Pasensya ka na dahil para sa akin hindi ka maituturing na Pilipino pa
Malalaman mo na nga lang sa mismong salita

FILIPINO! Piliin mo ang Filipino
Filipino ka, Filipino ako
Filipino ang wika ko! Filipino ang wika mo!
Huwag mo naman sanang paglaruan ito
Hindi ka naging tao para mag-imbento ng sarili mong salita
Salita na hindi ibig sabihin na kapag pagbalibaliktarin ay tama
Tama ang salitang nararapat na kailangan mong pag-isipan
Bago lumabas sa iyong bibig ang mga salitang maririnig ng karamihan

Isipin mo
Kinakausap kita, kinakausap mo ako
Tila ako ay nahihilo sa mga salitang sinabi mo
Ito na ba ang tinatawag nilang milenyal?
Mga milenyal na kinalimutan ang wikang dapat na minamahal
Minamahal ng labis hanggang sa ito’y hindi na makapropesyunal
Pindot dito, pindot doon
Puro “jejemon”, nagawa mo pa ngang maghabol ng mga “pokemon”
Bata, matanda saan ka ba dapat nakatuon?

Halika!
Lumingon ka sa kanan at sa kaliwa
Naririnig mo ba?
Tila ang mga dila ay nagmamalabis
Respeto sa wikang Filipino ay winawalis
Pilit na winawalis paalis
Bumibilis ang pagkalat ng wikang makabago
Lahat ng salita’y nagbabago
Di magtatagal ang wikang Filipino ay maglalaho
Huwag mo naman sanang hayaang mangyari ito
Isipan mo’y sarado
“’Share mo lang, petmalu, lodi,’” mga salitang labis na iniidolo
Pasensya ka na kung sasabihin ko ito
Ngunit ang lahat ng salitang yan ay nakakalungkot marinig miski sa mga kalye’t kanto
Lalo na sa bibig ng mga taong edukado

Halika!
Lumingon ka sa kanan at sa kaliwa
Naririnig mo ba?
O nagbibingi-bingihan ka?
Sana’y mamulat ka sa tamang paggamit ng wika
Wika na kung saan para bang nagmistulang nalimot na
Lahat na, kinalimutan mo, ano pa ba ang gusto mong sabihin ko sayo?
Para lamang magbago ang isip mo
At talikuran ang pagbibigay halaga sa mga modernisadong salita
Na kahit kailan ay hindi mo na maaaring bawiin pa
Kung ika’y umabuso na at nakasakit na ng damdamin ng iba