GHUAL (READ AS GOWL)
Tauhan 1: Hgual. Hgual. Bakit ika’y lumalayo? Ayaw mo ba sa akin? Ano ang nagawa kong kasalanan? Hgual! Pansinin mo naman ako. Hindi mo ako kayang iwasan kahit na ano pang gawin mo. Nandito ako Hgual. Nandito ako palagi saan ka man tutungo.
Ghual: Tama na. Tama na pwede ba?! Bakit ba ayaw mong tumigil? Please. Nagmamakaawa ako. Gulong-gulo na ang isipan ko’t ako’y upos na upos na. Hindi ko magawang kumilos dahil sa higpit nang pagkasasakal mo sa akin. Sa bawat ugat at laman ko’y naroon ka. Palayain mo na ako, parang awa mo na. Gusto ko nang sumaya, makaramdam ng ginhawa.
Tauhan 1: Palayain? Hgual hindi. Hindi ka maaaring sumaya nang hindi ako kasama. Hindi ka maaaring humiwalay sa ‘kin Hgual, sanggang-dikit tayong dalawa. Tayo lamang ang magkakampi rito o kahit na saan.
Ghual: Hindi! Ayoko sa ‘yo! Lubayan mo ako. Masama ka. Halimaw ka! Hinding-hindi ako mabibihag at mapasasailalim sa mga bitag ng isang tulad mo. Makakamit ko rin ang kasiyahan at kalayaan na aking ninanais. Nagtitiwala akong sasaklolo at tutulong ang aking mga kaibigan at pamilya. Kaya nilang gawin ang lahat mailayo ka lamang sa akin.
Tauhan 1: Tulong? Buwahahahaha! Hihingi ka ng tulong? At anong sasabihin mo? Na may gumugulo sa loob mo? Na may halimaw sa isipan mo? Hgual. Hgual. Hgual. Ako’y iyong pinasasaya. Walang maniniwala sa iyo. Pagtatawanan ka lamang nila, kukutyain, sasabihang nagkukunwari, o ‘di kaya’y tatawaging kulang sa pansin. Bagamat makikinig sila sayo, ang nais lamang nila’y pagkakataon, pagkakataong ika’y mapag-usapan. At hindi ang ibigay ang malasakit na siyang iyong hinahangad. Ang kuwento mo’y kaengga-engganyo sa kanilang paningin sapagkat ito ay nagbibigay aliw sa “masagana” nilang kuwentuhan.
Tauhan 1: Nakikita mo? Nakikita mo ba Hgual? Ang mga tao’y hilig lamang ang sumagap at magkalat ng tsismis. Ako? Ako lamang ang kakampi mo, Hgual. Ako na itinuturing mong halimaw. Bahagi ako ng iyong buhay dahil ikaw ay ako at ako ay ikaw.
Tauhan 1: Kumapit ka lamang sa akin Hgual, hanggang sa iyong pagtulog nang mahimbing. Dahil hangga’t walang maniniwalang narito ako, sa isip mo ng kahit sino, higit pa ang mananatiling nakahimlay at babawian ng buhay sa aking sariling mga kamay.