FILIPINO: WIKA NG PAMBANSANG KAUNLARAN
“Akala mo naman kung sinong magaling, naku mapapahiya lang tayo niyan bida-bida kasi.” “Hindi ka fit sa role wala kang mga gagamitin buti kung may magpahiram sa’yo.” “Bakit ikaw yung pinili sa role? Hindi ka nga makabigkas ng tama.” Limang taon na ang nakalipas pero sariwa pa rin sa aking memorya ang hinding-hindi ko makakalimutang kwento ko sa Buwan ng Wika.
Nakagawian na dito sa ating bansa partikular sa ating mga paaralan na sa tuwing sasapit ang buwan ng Agosto ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika. Ginugunita natin ang pagiging malaya nating gamitin at tangkilikin ang ating kinagisang wika. At bilang paaralan at institusyon ng ating lipunan ay naglulunsad ang mga mahal nating kaguruan ng iba’t-ibang mga patimpalak upang magkaroon ng kabuluhan at masaya ang pagdiriwang natin.
Taong 2015, unang taon ko sa pagiging isang mag-aaral ng hayskul nang sinubok kong sumali sa isang patimpalak sa aming paaralan na paligsahan sa role playing. Na kung saan sa bawat section ng aming paaralan ay dapat magbigay ng isang presentasyon na nauugnay sa tema ng selebrasyon ng Buwan ng Wika noon. Isa ako sa mga mapalad na napili sa section namin upang gumanap bilang si Dr. Jose Rizal. Noong una nagdalawang isip ako na kunin ang role dahil inisip ko rin yung cotume sa kakailanganin ko, pero sinabi ko sa sarili ko na magagawan ko ito ng paraan.
Nang magsimula na kaming mag-ensayo sa aming presentasyon nahahalata ko sa mga kasamahan ko na ayaw nila sa akin bilang gaganap na Jose Rizal. Alam kong makakaranas ako ng pambubulas sa kanila at hindi ko na lang sila inintindi at ipinagpatuloy ko lang ang pagsaulo ng mga linya ko. At dahil sa wala naman kaming kakayanang magrenta ng susuotin kong Tuxedo para sa role playing ay nagsimula na akong naghanap ng mahihiraman sa mga kaklase ko hangga’t maaga pa. Pero bigo akong makahiram sa kanila bagkus mga pangmamaliit pa ang mga natatanggap kong argumento sa kanila.
Oo, mahirap lamang kami at wala kaming kakayanan para magrenta ng susuotin ko pero hindi iyon magiging hadlang para hindi ako magkaroong ng pagkakataon na maipamalas ang kakayahan ko at mapanood sa entablado ng aking lola na alam kong matutuwa at ipagmamalaki ako. Sinabi ko agad kay lola na wala pa akong susuotin sa role playing namin at ang sabi niya, “Apo ako na ang bahala.” Marunong magtahi ang lola ko at isa ito sa mga pinagkukunan namin ng pantustos sa pang araw-araw na gastusin. Feeling ko tuloy noon nasa isang fairytale ako at si lola ang fairy godmother ko.
Isang linggo ring tinapos ni lola ang susuotin kong costume na gawa sa balat ng kahoy na tiniis niyang tahiin sa kamay dahil hindi pwedeng ipadaan sa makina. Pagkatapos ay pinintahan namin ito ng itim upang maging isang ganap sa Tuxedo at sa wakas may gagamitin na ako. Huling araw na ng pag-eensayo namin noon dress rehearsal kung tawagin nang tawanan ng mga kaklase ko ang costume ko. Pero hindi ako nagpaapekto sa kanila dahil pinuri pa nga ako ng guro namin sa pagiging resourceful at alam kong pinaghirapan ng lola ko na gawin iyon.
Dumating na ang araw ng paligsahan sa aming paaralan at nasasabik akong mapanood ako ng lola ko sa entablado suot-suot ang sariling gawa niyang costume para sa akin. Nang mapanood namin ang mga presentayon ng mga nasa mas mataas na baitang ay kinabahan kami dahil sobrang gaganda ng mga ipinamalas nila. Samakatuwid, binigay namin ang lahat ng makakaya namin at nakatuntong kami sa pang-walong pwesto at nakakuha rin ako ng isang espesyal na parangal ang “Pinakamahusay sa Kasuotan” na hindi ko naman inakala pero laking pasasalamat ko.
Nagusap-usap noon ang mga kasamahan ko sa role play at narinig ko silang pinag-uusapan nila ako. HIndi ko na lang sila inintindi kung nagseselos man sila dahil nakakuha ako ng isang parangal. Ang mahalaga sa akin ay nakita ko ang ngiti sa labi ng lola ko habang pinapanood niya ako sa entablado. Naisip ko rin noon na walang imposible sa taong madiskarte. Isa itong napakagandang aral sa pagpapaunlad ng aking sarili na babaunin ko sa pagkamit ng mga pangarap ko sa buhay.
Tulad ng tema noong Buwan ng Wika taong 2015, “Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran” na kung saan bilang mga Pilipino kailangan nating simulan ang pagpapaunlad sa ating mga sarili. Ito’y magsisilbing gabay at magbubuklod sa atin upang tayo’y magkaunawaan at intindihin ang katayuan ng bawat isa. Tayo-tayo ang magtutulungan sa pagpapayaman ng ating bansa. Dito tayo mag-uumpisa hanggang sa magamit natin ito sa lahat ng aspeto ng buhay kasabay ng pagkamit natin ng tagumpay anumang krisis at pandemiya ang dumaan sa ating buhay.