“BAKIT MALUNGKOT ANG BESHY KO?”
Impit kong sinalubsob ang mukha ko sa malambot na unan.
Naulinigan ng tiyahin ko ang pagtatalo namin ng nakababatang kapatid ko dahil ayaw niyang hanapin ang ipinahahanap ko. Kinatok ni tita ang pinto at dali-dali itong binuksan ng kapatid ko.
Ano ba ang hinahanap? Nakita na ba ang ulo ng charger? Anong tatak? Malaki ba iyon? Ay siya, hayaan niyo na muna at bukas na lang hanapin, kapag hinahanap ‘tsaka hindi yan nagpapakita.
Napatigil ang hagulhol ko at napalitan ng pirming sagot na animo ay walang bakas ng pangangatal sa boses habang nakabaon ang mukha sa unan.
Sa totoo lang ay nahihiya ako.
Ayokong makitang umiiyak.
Ano kaya ang iisipin kung malaman na simpleng ulo ng charger ang iniiyakan ko?
Katawa-tawang dahilan. Marahil na rin sa pagpapalaki sa akin at maging ang pagkakakilala nila sa akin.
Hindi ako nana. Hindi ako papayang konting sundot, iiyak. Malabo. Kahit mahiwa pa ang kalamnan ko’t pigaan ng kalamansi, malabong mapaiyak mo ako.
Lumabas ng kwarto ang tiyahin ko at hudyat na ito. Panahon na para pakawalan ang luhang pinipigilan kong bumulwak.
Iniiyak ko at maririnig ang mga daing ko sa mundo kahit katiting lang ang tunog na pinakakawalan ko.
Sa laki kong tao, ang bulong ko ay sigaw na. Hugong na hugong ang datingan.
Binuksan ko ang tiktok ko sa cellphone ko. Umultaw na naman ang video ng batang nagtata-tumbling. Nakakatawa ang bitaw niya ng linyang nagte-trend ngayon.
Bakit malungkot ang beshy ko?
Mas naiyak pa ako. Sinong magaakala na ang isang nakakatawang linya ay magpapahagulhol sa akin.
Sa loob-loob ko ay buti pa ang bidyo at natanong ako ng simpleng tanong na ito.
Mahal ko ang kapatid ko. Sobra. ‘Yung tipong sa bawat kilos ko at desisyon ko ay laging siya ang isinasaalang-alang ko. Maaring ‘di niya alam, pero kasali siya sa lahat ng plano ko sa buhay.
Kami na lang ng kapatid ko, iniwan na kami ng ina ko at wala na rin kaming maitutring na ama. Kaming dalawa ang ang magkaagapay para punan ang sandamakmak na kakulangan ng mga magulang namin. Kami lang ang meron kami para mabuhay.
Pero kahit na ganoon. may mga pagkakataon pa ring halos bumigay na ako. Napakahirap. Halos puputok na ang ugat ko sa ulo sa kakaisip kung paano kami magpapatuloy, saan kukuha ng pera, paano mabubuhay.
Kaya’t nasasaktan ako kasi hindi man lang ako matanong ng kapatid ko o ninuman kung ano ang problema. Bakit naman ako iiyak dahil lang sa ulo ng charger? Oo nga’t mahal pero, hindi yun ang punto.
Hindi na ako nageexpect, kasi nga gaya ng sambit ng tita ko, “Kung kailan hinahanap mo, hindi yun nagpapakita.”
Kaya’t kung ang tanong ay. “Bakit malungkot ang beshy ko?”
Ang kabukod tanging maitutugon ko lamang ay, “Kasi malungkot ang lola mo.”
Daanin sa biro.
Ngayon lang ‘tong iyak na to. Sana. Dapat. Hindi naman ako nana. Hindi ako papaya na konting sundot iiyak.