ANG SIESTA
Nang minsang mapadaan ako sa paaralan ko noong elementarya, mga memorya ng nakaraan ay biglang nagsibalikan. Para silang sirang plaka na paulit-ulit na nagsasaya sa aking isipan, at hindi ko namalayan nakaupo na pala ako sa paborito kong tambayan.
Natatandaan ko pa yung mga oras na uuwi ako ng tanghali sundo ng aking ama. Ipaghahanda niya ako ng paborito kong ulam na ‘fried chicken’ at sabay sabay kaming kakain ng aking ate at ni papa. Pagkatapos noon ay gagawin ko ang aking mga asignatura sa tapat ng aming bintana upang makalanghap ng masarap na hangin at maging presko ang aking isipan. Matapos noon ay magpapaalam ako sa aking ama na maglaro sa labas. Hindi naman siya magdadalawang isip dahil alam niyang tapos ko na ang aking asignatura.
Teks, paperdolls, pogs, jolens–ilan lamang iyan sa mga larong paborito kong gawin sa labas ng aming bahay. Kalaro ang mga ka-eskwela ay masaya naming pinagsasaluhan ang ingay ng tanghalian. Nung minsan pa nga ay natalo ko ang aking kapitbahay na lalaki sa teks. Isang tatlong plastik na puno ng teks ang inuwi ko sa bahay nung araw na iyon. Tuwang tuwa akong ipinagmalaki sa ate ko ang aking pagkapanalo at hinatian ko naman siya ng isang dangkal nito.
Bukod pa riyan ay naging taong kalsada rin ako. Nung tumuntong ako ng High School ay mga larong kalsada na ang naging pampatay oras ko. Mataya-taya at patintero ang naging buhay ko pagkatapos kong umuwi sa eskwela. Ang mga kalaro ko ay hindi titigil hangga’t hindi sila dinadatnan ng pagod, kaya ganoon din ang ginagawa ko.
Kapag mayroon naman kaming mga ‘group projects’ na kailangang gawin sa isa sa mga bahay ng aking kaklase ay hindi namin palalampasin ang makapag laro ng Bente-uno. Kung tatanungin ako kung ano ang pinaka paborito kong laro nung bata ako, bukod sa teks, bente-uno ang isasagot ko. Kahit delikado dahil sa highway kami naghahabulan, yung sayang dulot nito sa amin ay hindi matatawaran.
Hindi ako nagsisisi na lumaki akong puno ng mga sugat sa katawan, isa lamang itong tanda na naging masaya ang aking kabataan. Hindi rin ako nagsisisi na isinilang ako sa aking taon, dahil kung sa kasalukuyang taon ako mabubuhay, hindi ko malalasap ang sayang kaakibat ng mga larong lansangan kaysa magbabad kasama ang mga teknolohiya.
Ngunit hanggang ala-ala nalang pala ang nakaraan. Gusto ko mang balikan ay mahirap nang pagtagumpayan. Malalaki na kami at patungo na sa totoong kulay ng mundo. Masaya ako na hindi ako mapapabilang sa mga kabataan na ‘walang childhood’.
Sobrang gaan nilang balikan habang nakaupo ako sa paborito kong tambayan. Tanghali at tahimik ang kapaligiran. Ngunit kailangan ko na palang umuwi dahil may artikulo pa akong dapat simulan. Ang aking siesta ay kailangan ko nang wakasan.