Letters of Youth

ANG NAGDARAHOP NA MAG-AARAL SA KABILANG LINYA

/ 16 December 2020

Teknolohiya’t hindi na panulat ang sandata

Sugatan sa digmaan kung walang “load” o “data”

Paano pa kung ika’y walang makabagong teknolohiya?

Isang hamon sa mag-aaral na pilit niyang kinakaya.

 

Naglalaho na ang dating nakasanayan

Nagbabago na ang paraan ng pakikipag-ugnayan

Hanggang saan ang kayang takbuhin ng mag-aaral na ito?

Maabutan kaya niyang nakabukas pa ang pinto?

 

Tumatangis nang husto sa harap ng kuwaderno

Binibigkas ang “sana matulungan kami ng gobyerno”

Kaawa-awang mag-aaral sa kabilang linya

Hindi marinig, mahina ang “signal” hanggang sa maputol ang linya.

 

Naku! Nalalapit na pala ang bayaran ng kuryente

“Inay, itay, maaari po bang humingi kahit bente?”

Sa isipa’y nakatatak—kailangan magpasa, kailangan makapasa

Patuloy siyang nangangarap na balang araw ay magmamartsa.

 

Patong-patong na ang sakit na nadarama

Tila ba siya’y nasa telebisyon, sa isang “drama”

Panalangin ang matibay niyang sandata’t kalasag

Nabubuo sa kabila ng matinding pagkakabasag.