Letters of Youth

ANG MGA KABATAANG PAG-ASA SANA NG BAYAN

/ 10 August 2020

Kumusta na kaya ang pag-asa at pangarap ng mga batang tinawag ni Dr. Jose Rizal na pag-asa ng ating bayan? Kamusta na kaya ang mga batang Lumad na tinanggalan ng pagkakataong mangarap, magtiwala at umunlad?

Kumusta na kaya sila sa patuloy nilang paglaban sa diskriminasyon at pagkuha ng kanilang mga karapatan?

Bakit hanggang ngayon ay may mga batang Lumad na patuloy na iniisip kung paano na ang kanilang bukas na puno sana ng pangarap kung kasabay ng pagpapasara ng bawat pinto ng kanilang paaralan ay ang pagsara rin ng mga oportunidad na naghihintay sa kanila at pagbabakasakaling makita pa ang pinto patungo sa kanilang mga pangarap.

Kung hindi natin bibigyan ng pagkakataong matutunan ng mga batang Lumad ang tungkol sa mga numero, alpabeto, kulay, paghawak ng lapis at pagpapahalaga sa pag-aaral ay hahayaan na lamang ba natin na dumating ang araw na mas matuto ang mga kabataang ito na humawak ng patalim, baril at makita ang mundong puno ng galit at paghihiganti?

Sa loob ng 7,641 na mga isla ng Pilipinas ay may mga kabataang nangangarap na magkaroon ng magandang kinabukasan at ang edukasyon ang kanilang nakikitang sagot upang makarating sa tugatog ng kani-kanilang mga pangarap.

Pantay pantay na estado ng pag-aaral ang nais ng bawat isa sa atin; ang matuto sa Matematika, Agham, Literatura, Wika at Sining. Ngunit lahat ba may pribilehiyong matutunan ang mga ito?

“Education is the key to success,” ani nila. Ngunit para kanino lang ba dapat ang edukasyon? Para lang ba sa mga taga-dilaw, sa mga kaanib ng kamay na bakal, para sa nakakataas o para lang sa trip ng gobyerno, hindi ba ito bukas para sa lahat ano man ang ating pagkakaiba-iba?

Sa pagsasara ng mga paaralan para sa ating mga kapatid na Lumad, hindi ba para na rin natin silang pinutulan ng pakpak upang makalipad at makita ang tunay na ganda ng mundong kanilang kinagagalawan?

Sapat bang dahilan ang pagkakaiba-iba ng mga paniniwala, kulay, tatak at sinusupotahang partidong pampulitikal upang ipasara ang mga pintong naghihintay sana sa ating mga kapatid na Lumad patungo sa kanilang inaasam na buhay na mapayapa?

Ang mga mag-aaral na Lumad ay parang mga ibong ikinulong sa haula na humuhuni para sa kanilang kalayaan ngunit hindi pinakikinggan at binabalewala.

Ngunit sa kabila ng pagmamalupit ng mga may kapangyarihan sa kanila, hindi sila tumitigil ipaglaban ang kanilang mga karapatan at sila’y patuloy na tumatayo upang makita sila ng gobyerno na nagbabakasakaling pakinggan at bigyang pansin.

Kung nabubuhay pa kaya si Dr. Jose Rizal ngayon, ano na lamang kaya ang kaniyang masasabi sa estado ng edukasyon at mga kabataan sa lipunan sa ating henerasyon?

Masasabi pa kaya niya na ‘ang kabataan ang pag-asa ng bayan’? O di kaya ang tangi niyang masasambit ay kung may pag-asa pa ba ang ating bayan?