ANG KINASADLAKAN NG BAYANG LIMAS
Sa kaibuturan ng Bayang Limas
Kung saan kamay na bakal ang batas
Lumukob ang nakabibinging katahimikan
Ni walang maaninag mula sa kadiliman
Ang tanging buhay ay ang Ilog na Pula
Kung saan Kampon ng Kadilima’y nagmumula
Sinumang mangahas at sa kanila ay umalpas,
Wala nang aasahan pang bukas
Nang biglang sumilay ang nakabubulag na liwanag,
Mababanaag ang imaheng nagtataglay ng ningning
Pag-asa ang sa kanyang mata’y maaaninag
Ngunit sa isang iglap ay tila napuwing
Mga Kampon ng Kadilima’y dumating
Iginapos ang imaheng nagniningning
Binuhat at tinunton ang Ilog na Pula
“Siya’y taksil!” ang sigaw nila
Dumanak ang pulang likido at umagos…
Patungo sa Ilog, mula sa imaheng ginapos
Ang kanyang liwanag ay unti-unting napawi
Sa kamay ng mga kampon, siya ay nasawi
Ngunit kataksilan nga bang maituturing…
Ang magsabi ng saloobin at sa kadilima’y magningning?
Dapat nga bang pintahan ng pula,
Ang bawat liwanag na makikita?
Ang Imahe nga ba ay isang banta,
O siyang pag-asa ng madla?
Aahon pa nga ba ang Bayang Limas,
O sa Ilog na Pula’y lulubog at di na makakaalpas?