ANG BALIK-BAYANG WALANG BAYANG MABALIKAN
TAHIMIK ang loob ng aking buong yunit. Wala akong kasama sa gabing ito, kung kailan ang karamihan ng mga pamilya ay nagtitipon-tipon upang magsaya. Nakapatay na ang mga ilaw at naka-sara na rin ang lahat ng mga bintana’t pinto maliban sa bintana ng aking kwarto.
Dahan-dahan akong humiga at pumikit. Ngayon na nga pala ang huling gabi ng taong 2016 at siguradong maya-maya lang ay mapupuno ng ingay at pagdiriwang ang aking paligid. Maaamoy ko na naman ang iba’t ibang putahe mula sa mga kapitbahay ko. Maririnig kong muli ang mga batang nagdiriwang sa pamamagitan ng pag-ihip sa torotot nilang binili sa may bangketa. Nariyan din ang mga nagvivideokeng lasenggo na wala sa tayming ang pagbigkas ng mga liriko sa tugtog.
“Hanggang sa mga sandaling ito
‘Di ako nagbabago
Taglay ko pa rin ang damdamin
Sa ‘ting lumang litrato…”
Dahil sa pagka-yamot dulot ng aking mga naririnig na sintunado, sinabayan ko ang videoke. Nakakatawa. Ayaw na ayaw ko talaga sa mga pangit ang boses katulad noong nga kapit-bahay namin sa probinsya. Tandang-tanda ko pa kung paano ako ibida ni nanay dahil ako lang ang marunong kumanta sa amin. Mapa-Aegis o Regine Velasquez, talaga namang ibinibirit ko. Nakakatuwang balikan, subalit nakakalungkot kalaunan.
Lumipas ang ilang minuto bago ako maka-idlip ngunit hindi rin nagtagal ay naalimpungatan ako, nagsimula nang magbilang ang mga tao.
10…
9…
8…
7…
6…
5…
4…
3…
2..
1…
Gaya ng inaasahan, sumabay sa pagsisimula ng putukan ang pagtunog ng aking cellphone na bigay ng isa sa mga naging parokyano ko. Tumatawag sa akin sa pamamagitan ng Facebook Messenger si Aya, isa sa aking anim na mga kapatid.
Hindi ko ito sinagot. Hinayaan ko itong mag-ingay habang tinititigan ko ang makukulay na mga pa-ilaw sa kalangitan. Pula. Asul. Berde. Dilaw. Napaka-ingay ng paligid. Kaniya-kaniyang labas ng kuwitis, piccolo at iba pang mga ilegal na paputok. Nagliliwanag ang gabi, tila nagbabadya ng magandang pasok ng taon.
Maya-maya pa’y nagsimula nang tumahimik ang paligid. Nagsipasok na sa kani-kanilang mga bahay ang mga tao para sa Medya Noche. Nagsimula na ring mamayani ang usok na siyang nagpa-ubo sa akin nang bahagya. Madilim na muli ang paligid. Tapos na ang mga pa-ilaw. Oras na upang bumalik sa katotohanan.
Muling tumunog ang aking cellphone. Si Aya na naman. Pasado alas-dos na rin pala. Isang malalim na hiniga muna ang aking pinakawalan bago ko ito sinagot.
“Hello?”
“Ate Rina! Happy New Year Po! Ingat ka lagi riyan sa Saudi ate, ha? Yung Iphone raw ni papa saka Nike ni kuya Andrew…”
Marami pang sinabi si Aya. Rinig ko rin ang kasiyahan nila Andrew at ng iba pa naming mga kamag-anak subalit lalo lamang akong nalungkot. Paniguradong magrereklamo na naman bukas si Aya sa dami ng wawalising paputok.
“Ate? Bakit parang mag-isa ka riyan? Nas’an yung mga katrabaho mo?”
Pinahid ko muna ang aking luha bago sumagot, “Ay ano kasi ‘Ya, tumawag kayo kaya pumasok muna ako ng kwarto. Naku, day, tiba-tiba rito! Bumabaha ng pagkain. ‘Yong mga katrabaho ko nga, nasa labas at nag-iinuman, e.”
“Magsaya ka kaya, ‘te? Kami nga rito party-party lang eh, tas tiba-tiba pa sa pagkain! Nilubos talaga ni mama yung kinse mil mo–”
“Hay naku, tama ‘yan! Para sa inyo talaga iyang ipinapadala ko kaya magpakabusog kayo, ha? Si mama, alagaan niyo palagi. Bantayan niyo ang kinakain, bawal ‘yan sa matatabang pagkain. Si Megan, ilayo niyo sa usok. Baka mamaya, atakihin na naman ng asthma iya—”
“Oo naman, ‘te. ‘Di naman namin pababayaan si Mama. Si Megan, naroon kila Ante Pasing. Nanonood na lang ng countdown sa GMA at bawal nga siya sa paputok. Nga pala, kinukumusta ka ni tita Karen. Bakit daw di ka sumasagot sa mga chat niya? Di ka rin daw masyadong nagpopost sa Facebook, kukunin ka raw sanang ninang nung kaibigan niya,”
“Alam mo namang hindi ako marunong mag-Facebook, Aya,” pagsisinungaling ko. “Pa-chat chat nga lang ako, hindi pa kita ma-replyan kadalasan. Busy, e.”
“Sige ate, mag-iingat ka riyan ha? Namimiss ka na namin.”
“Oo naman! Miss ko na rin kayo. O siya, baba ko na ha? Mahal ko kayo. Bye.”
Hindi ko na hinintay ang sagot ni Aya at agad kong pinatay ang tawag. Sa wakas ay bumuhos na ang luha mula sa aking mga mata. Mga luhang bunga ng pagsampal sa akin ng katotohanan na kaoilanga kong magtiis dahil may pamilyang umaasa sa akin.
Magiging maayos din ang lahat, hindi ba?
Pero sino nga ba ang aking niloloko. Kung hindi lang sana kami na-goyo ng recruitment agency na pinasukan ko, e di sana, hindi ako nagtitiis dito. Wala na akong mababalikan. May mga taong umaasa sa akin, sa panganay na anak na inasahang magbibigay ng magandang buhay sa aking pamilya.
Nakapatay na ang mga ilaw at naka-sara na rin ang lahat ng mga bintana’t pinto ng aking kwarto. Kailangan ko lang idaan sa tulog ito.
Kinabukasan, nagising ako sa tunog ng aking messenger. Tumatawag si Aya.
“Hello?”
“Ate, si nanay. . . naaksidente. . .”
Tila binuhusan ako ng malamig na tubig sa aking narinig. Hindi ako makapagsalita.
“Ate…”
Bakas sa boses niya ang takot. Bahagya itong garalgal at rinig din ang kaniyang mabilis na paghinga.
“Ate, n-nasa ospital kami ngayon. Kritikal si nanay, ate. Nabagok kasi nahulog sa hagdan,” ani Aya.
“Putrages naman, Aya! Anong nangyari? Sinabi ko nang bantayan mo nang maigi si mama, ‘di ba?”
Nanlalamig noon ang aking buong katawan.
“Uuwi ako. Sabihin mo kay tita–”
“Pero ate, paano ka babiyahe? Wag ka na muna umuwi, ang laking abala niyan sa iyo. Napakalayo mo.”
“Ako nang bahala. Manghiram muna kayo riyan, babayaran ko pag-uwi ko.”
Agad kong ibinaba ang tawag. Putang ina. Saan ako kukuha ng pera?
Kinagabihan ay pinuntahan ako ni Jonna, kaibigan ko. Alam niya ang aking buong kuwento dahil isa rin siya sa mga naloko ng recruitment agency. Di gaya ko, alam ng kaniyang pamilya ang buong pangyayari.
“Eh bakit hindi ka pa umuwi? Kailangan ka roon, Rina.”
Napakamot-ulo akong sumagot, “Hindi naman ganoon kadali iyon, e. Alam mo namang OFW ang tingin sa akin ng mga tao sa probinsya. Magugulat iyon kapag kinabukasan e naroon na ako, tapos wala pa akong pera.”
“Eh pasaway ka rin naman kasi, e. Ba’t di mo pa sabihin sa pamilya mo ‘yong totoo, ha? E pamilya mo naman iyon. Tatanggapin ka no’n at papatawarin.”
“Jo, hayaan mo na. Mag-iipon na lang ako o didiskarte para makauwi sa susunod na linggo. Bahala na. Basta, hindi pwedeng unuwi ako nang walang dala. Nakakahiya.”
Pinagpatuloy ko ang aking plano. Dumilihensya sa kung kani-kanino at kumuha ng labada sa umaga.
Sa gabi’y ganoon pa rin, magdamag na sumasayaw sa entablado suot ang manipis na telang ginawang damit-panloob. Pikit-mata kong itinataya ang aking kaluluwa sa mga lalaking hayok sa laman, ‘di hamak ang lamig na dulot ng gabi.
Ma, uuwi na ako.
Dumating na ang araw ng aking pagluwas sa probinsya. Sa wakas ay hindi ko na kailangang problemahin ang sasabihin nila, at nabili ko na rin ang iPhone at sapatos ng aking mga kapatid.
Pagkalabas ko ng apartment ay muling tumawag si Aya. Masaya ko itong sinagot at sinabing ngayong araw ang flight ko pabalik ng Maynila.
“Ate,” garalgal ang boses niya.
“Wala na si mama.”
Magkagayo’y tuluyan kong nabitawan ang aking mga dala maging ang mga luhang dalawang taon ko ring pinigilang kumawala.