ANG AMA AT KAPATID
“Kapatid! Hindi nagagalak ang Diyos sa mga galit sa gobyerno kapatid, let God heal your wounds and anger kapatid at matuto kang magpasalamat at rumespeto sa gobyerno ano, kapatid, kasi sabi sa romans–“
Naputol ang pagrerecord ni Jessy ng bago niyang Tiktok video. Lowbat na ang cellphone niyang ginagamit sa pagpapahayag ng umano’y “Katotohanang Hindi Tanggap Ng Daigdig”. Badtrip. Balak niya pa naman itong i-post matapos siyang umani ng batikos dahil sa sinabi niyang pinili ng diyos ang kasalukuyang pangulo. Bakit naman siya papatalo? Totoo naman. Respect your authorities. Sumunod na lang.
Yumuko ang binatilyo upang isaksak sa power socket sa ilalim ng lamesa ang kaniyang charger. Pagbalik sa pagkakaupo ay agad niyang sinilip kung nagchacharge ito, at inulit ang naputol na tiktok video sa saliw ng pinabagal na bersyon ng “Oceans” ng Hillsong.
“Kapatid! Hindi po natutuwa ang Diyos sa mga galit sa gobyerno at otoridad, kapatid, let God heal your wounds and anger kapatid at magpasalamat tayo at rumespeto sa ating opisyal ano, kapatid, kasi sabi sa mga romano–”
“Sure ka na riyan?”
Laking-gulat ni Jessy nang biglang sumulpot na lalaki sa cellphone. Nakaputi ito, may kahabaan ang buhok pero naka man-bun. Masyadong maliwanag ang mukha ng lalaki, kung kaya’t hindi gaanong matanaw ni Jessy. Matatanaw na nakaupo ito at mukhang nagkakape, tapos naka-condenser. Parang streamer lang pero imbis na gaming chair, sa trono ito nakapuwesto.
Hindi agad nakatugon ang binatilyo. Nasa harap niya ang idolo at nakaramdam siya ng pagmamalaki sa sarili. “Y’all can now choke, haters, for I have carried the cross” ika nga. Bali-balita kasing sa makatwirang tao lang nagpapakita ito at mukhang pasok siya sa makalangit na requirements. Ayos.
“Ikaw si Jessy, di ba?”
“Ah. . . Eh. . . Opo, sobrang hinahangaan ko po kayo. Kabisado ko po halos lahat ng berso sa bibliya at hindi rin ako kagaya ng mga kakilala kong nanatili sa pagiging makasalanan,” ani Jessy.
“Ganoon ba? Goods yan. Ipagpatuloy mo ang paggawa ng mabuti,” sagot ng kausap niya. “Pero tanong ko lang, bakit naman ako magagalit sa kritiko ng otoridad at pamahalaan?”
“Kasi po, respect your authorities,” taas-noong sagot ni jessy. “Ang hindi gumalang sa otoridad ay hindi gumagalang sa inyo, tama po ba?”
“Mali ka riyan, kapatid na Jessy,” anito sabay iling. “Ibinigay na nga sa akin lahat ng otoridad sa langit at lupa, e. Ekis dapat sa mga umeeksenang iba. Medyo authoritarian tayo rito, ano.”
Hindi agad sumagot ang binata. Bukod sa hindi niya alam ang kahulugan ng konseptong “authoritarian”, palaisipan din sa kaniya kung anong isip sa langit. Walang lag, mukhang naka-720p resolution pa ang kausap. Sana all.
“Isa pa, may kapangyarihan din noon sa lupa ang mga pariseyong nagpako sa akin sa krus at mga ehiptong nagpahirap sa mga israelita. Dapat ba, sumunod na lang sa kanila?”
Napakunot ng noo si jessy. “Ah . . Eh. . Iba naman po yun. Plano mo yun, e. Eh ngayon, iniluklok mo ang pangulo at mga opisyales para maging kasangkapan mo. Nakakalungkot lang kasi maraming pilipinong kristiyano ang ‘di rumespeto sa kanila.”
“Hahaha!” bahagyang naibuga ng lalaki ang iniinom na kape. “Bakit naman ako maglalagay ng rapist at bastos manalita sa posisyon? Mapagpatawad ako pero di ako bulag. Kita ko lahat sa cctv namin, ano.”
“Hindi ako ang naglagay diyan, kagaya ng hindi ko paglagay sa mga henerasyon ng iba’t ibang lahi na inalila ng imperyalistang mga bansa. Lahat ng nasa posisyon at lahat ng pangyayari, resulta ng pagkilos ng mamamayan at sirkumstansiya–pero hindi ako. Laos na ‘yang mandate of heaven. Very 1600 B.C.E.”
“Ginagawa naman po nila ang trabaho nila,” muling pahayag ni Jessy na ngayo’y nag-aalangan na. “Kayo na rin naman ang nagsabing sumunod sa nakatataas at di ka rin naman nila gagalawin kung susunod ka.”
“Ganito yan, Jessy.” inadjust saglit ng lalaki ang condenser para maging mas malinaw ang kaniyang mga sasabihin. “Hindi black and white ang bibliya. May konteksto palagi, at hindi ligtas kung babasahin mo ito nang di inaalam ang historical background kung paano nasulat ang bawat bahagi. Ito mismo ang dahilan kung bakit magkakaiba ang interpretasyon ng bawat relihiyon o sekta pero higit sa lahat, hindi dapat maging instrumento ng pangungunsinti ng opresyon ang bibliya. It doesn’t work that way.”
“Katulad noon, mahirap sumunod sa pinunong mga taga-lupa dahil sa bawat pagsunod ay nanganganib ang inyong mga buhay o kabuhayan. Hindi naman yata tutugma sa utos kong ibigin mo ang iyong kapwa, hindi ba? At kung talagang kinikilala ako ng pinunong iyan at gagalangin niyo siya sa ngalan ko, bakit patay siya nang patay at tinawag pa akong stupid? The audacity.”
Nakatitig lang si Jessy. Hindi siya makapaniwalang ayaw ng idolo niya sa EJK kahit puro adik yun. Adik! Masamang tao. Baliw. Walang kinabukasan. Pinupuksa dapat ang masasamang elemento upang manatiling ligtas ang tulad niyang makatwiran. ‘Di naman yata patas.
“Naririnig kita,” ani ulit ng kaniyang kausap. “Nagkasala ang mga taong iyon. Maaaring nakasakit o anuman, subalit sagrado ang buhay ng tao. Ako ang nagbigay, ako ang kukuha. e, kung gusto niya pala maging kolektor ng buhay e di siya na lang dito. Joke.”
“Pero seryoso, hindi ka naman iba sa kanila. Makasalanan ka rin naman pero di pa kita binibigay sa basement at hindi ako nagpakita sa’yo dahil makatwiran ka; nasa inaabuso at makasalanan ang pag-ibig ko. Silang mga nasa ilalim. Silang mga nahihirapan. Ang pagmamataas sa kapwa ay isang senyales na hindi ka nila kaisa—hindi ka kaisa ng masa.”
Pagkasabi nito’y nagliwanag ang cellphone ni Jessy. Wala na ang lalaking kausap niya kanina, at nagbalik sa Tiktok ang kaniyang cellphone. Tahimik na nagmuni-muni ang binata dahil kung nagpatuloy man ang usapang iyon, wala na siyang maisasagot ang malala, wala na rin siyang mai-content.
Nag-scroll siya sa Tiktok. Sunod-sunod ang “Wah! It’s me and my jowa!” dahil na-realtalk na hindi dapat ituring na poon si Duterte, kinuha na lamang niya ang notbuk sa kanang bahagi ng lamesa para sa bagong content. isinulat ang mga katagang “Wah, it’s me and my God. . . “