ANG AKALA
Ang akala ng buwan, magkapara lamang ang liwanag na hatid niya at ng araw sa tanglaw ng umaga at dapithapon Ang akala ng ilog ay iisa lamang ang bugso ng along mayroon siya at ang mga talon at karagatan. Ang akala ng mga ibon ay iisa ang huning mayroon siya at ang ingay ng mga kuliglig sa payapa ngunit mapangahas na mga gubat at kakahuyan. Ang akala ng bintana ay iisa ang dungaw at espasyong makikita niya at ng mga pintuan. Ang akala ng mga numero ay wala silang saysay kagaya ng mga titik na lumilipad sa himpapawid ng literatura at mga yungib ng silid-aklatan. Ang hirap kasing mag-akala. Ang akala kasi nila, magkatulad tayo. Ang akala kasi nila, iisa ang tahanang ating tinitirahan at ang akala nila ay magkawahig man lang, kung hindi magkatulad ang buhay na mayroon tayo. Ang akala ni Pedro, ay siya si Juan at ang akala ni Maria, katulad niya si Pedro. Ang totoo – magkatulad naman talaga. Malaki ang pagkakatulad nila sa kabila ng tahasang pagkakaiba.
Ang akala nila kapag nag-aalab ang kagustuhan mong matuto ay sasapat na iyon sa hamon ng makabagong bersyon ng sistema at pamamaraan ng pagkatuto. Ang akala nila, kapag gusto mong maging abogado o guro, mayroon ka nang akses sa mabilis at epektibong serbisyo ng internet at mayroon ka nang mga instrumentong kakailanganin sa pagtupad ng mga pangarap na ito. Akala nila ang mga prestisyosong unibersidad at institusyon ay katumbas ng yaman at kakayahang matugunan ang lahat ng materyales ng karunungang hinahamon ng kalabang hindi nakikita ng mata. Akala nila kapag gusto mong matuto, kapag gusto mong makisabay sa daloy ng makabagong mundo, kaya mo na agad. Akala lang, pero may hatid na napakaraming implikasyon sa lipunan – sa estado ng pamumuhay, trabaho, bilang sa pamilya, akademikong kakayahan na matuto at marami pang iba. Akala kasi nila kapag sinabi nilang ito ang daan ay kakayanin mo na. Akala nila ay ganoon lamang ito kadali. Akala nila kakayanin mong lumusong sa putik at baha dahil lamang ikaw ay may sapin sa paa. Akala nila may bota ka.
Akala lang nila.