Letters of Youth

A-COVID: AKO O COVID?

Isang umaga, tila nahahati sa dalawa ang aking isipan. May kung anong ibang nakasalang habang ramdam ko ang kakaibang lamig ng panahon dahil sa pilit ko'ng pagpipigil sa puputok ko nang pantog.

/ 28 August 2020

Pagmulat ko ng aking mga mata, halos malimot ko na, ngayon nga pala ay dalawang taon ng naka-lockdown ang buong bansa. Wala ng kahit anong uri ng komunikasyon, wala ng kuryente, walang tubig, wala ng makain. Sa isang bahay na mayroon dating lima hanggang walong kasapi, ngayon ay maswerte kung may isa. Hindi sila lumipat ng tirahan, hindi rin sila nagbakasyon, sila ay kinitil na ng virus, isang kakaibang sakit.

Swerte nga ba’ng maituturing kung isa ako sa mga natirang buhay?

Ako si Drew, nakatira ako sa isang apartment. Sakto lamang ang pamumuhay ko. May trabaho at kumikita ng sapat. Bata pa lamang ng malaman kung ako’y isang ampon, dala ng sama ng loob, pagkatapos ng sekondarya ay nagpasiyang magpakalayo-layo. 

Sa isang lugar sa Quezon, dito ko napagpasyahang mamalagi. Nakahanap nang maayos na trabaho. Simpleng pamumuhay sa lugar na nagsisimula ng maging syudad. Sa dalawang taon ko’ng pamamalagi dito, nakapag-pundar na ako ng ilang mga kagamitan na sapat para makapamuhay ako nang maayos.

March ng taong 2020 ng magsimulang magbago ang lahat. Mayroong na kumakalat. Sa una ay hindi pa sigurado ang mga eksperto kung ano ang kayang gawin ng virus na ito, maliban sa isang bagay – kaya nitong kumitil nang maraming buhay. Maraming mga paraang inilalabas ang media upang ang pagkalat ng virus ay mapabagal kundi man tuluyang maiwasan. 

Buwan lamang ang lumipas at unti-unti ng nagiging malinaw ang detalye tungkol sa virus. May inilabas silang pangalan ng virus kasabay ng mga testings na maaring gawin upang malaman kung sino na ang natamaan ng virus

Parami nang parami ang mga nagkakaroon nito. Gumagaling ang marami habang tuluyan ng nabubura sa mundo ang iba, ang iba pa rito ay ang mismong mga frontliners kung tawagin. Sa ganitong punto, nagagawa parin nang marami na magpagala-gala sa labas at kumilos na parang walang kumakalat na virus.

May punto nang taon ring iyon na lumiliit na ang bilang ng mga nahahawa. Binuksang muli ang ekonomiya ng bansa. Bumalik na sa trabaho ang mga may hanap-buhay. Papasok na sa eskwelahan ang mga mag-aaral. Nabubuhay na ang lahat ng normal. 

Ako, naisip kung magbitiw sa aking trabaho, naisipan kung ipagpatuloy na lamang ang pagtu-tutor online na siyang sumagip sa akin noong panahon ng estriktong ipinagbabawal ang paglabas. Madalas ay nagpapa-deliver lamang ako ng pagkain, pati narin ng mga gamit ko sa bahay upang hindi na lumabas. Marahil sa tagal ng lockdown, nagkaroon ako ng takot sa pakikisalamuha sa iba. 

Habang ipinapagpatuloy na ng lahat ang buhay nila biglang pumutok ang pangalawang paglaganap ng virus. Sa pagkakataong ito, may lumabas na bago at iba’t-iba pang klase ng naunang virus. Mas mabilis kumalat at mas delikado. 

Dahil sa pagkabigla ng lahat, tila nawala sa kontrol ng mga namumuno ang lahat. Unang tinamaan ng pangalawang pagkalat ng virus ang mga nasa ospital, mga doktor at halos lahat ng nagtatrabaho dito. Tinamaan din ang mga tagapagbalita, mga pulis at sundalo. Sa madaling sabi, unang tinamaan sa pagkakataong ito ang mga frontliners

Ilang buwang nagpatuloy ang ganito hanggang sa umabot na ng dalawang taon ngayon. Isa ako sa mga nananatiling buhay. Bago pa man maging ganito kagulo sa bansa, may sabi-sabing may mga dayuhang kukuha sa mga buhay pa upang iligtas sa kapahamakan. Nakakasira na ng ulo, hindi ko alam kung ano ang mas mauuna, iyong tulong na hinihintay ko mula sa mga dayuhan o iyong pagpantay ng dalawa ko’ng mga paa.

Ngayong araw, katulad ng mga nakaraang araw, maghapon ko lamang tinititigan ang bintanang puno nang tagpi-tagping plastik kung saan ko araw-araw na tinatanaw ang labas. Gagabi na naman, pawala nang pawala ang liwanag sa labas. Sa mismong kina-uupuan ko’ng papag, hihiga at ipipikit ang aking mga mata upang matulog. 

Isang umaga, tila nahahati sa dalawa ang aking isipan. May kung anong ibang nakasalang habang ramdam ko ang kakaibang lamig ng panahon dahil sa pilit ko’ng pagpipigil sa puputok ko nang pantog. 

Pagmulat ko ng aking mga mata, umaga na pala pero makulimlim parin. Dali dali na akong kumaripas sa ibaba upang umihi. Habang nasa banyo, napasabi ako sa sarili “shocks, ang sama ng panaginip ko!” 

Pagkalabas ko sa banyo agad kung binuksan ang TV. Hindi ko pa man tuluyang nabubuksan, agad na sambit ng aking ina “ano namang papanoorin mo? Balita? Naku, anak wag na, paulit-ulit lang naman ibabalita dyan. Parami nang parami ang COVID cases kasi toxic mga tao. Kung kailan may pandemya saka maglalabasan mga korap na politiko. Sa socmed naman, kabibila ang pamba-bash. Hay naku, hindi ko na alam kung alin ang mas matindi, ‘yong COVID ba o tao, parehas namang virus e! Hindi ako magtataka na dalawang taon mula ngayon, kakarampot nalang ang buhay dito sa Pilipinas.”

Naisip ko tuloy ang panaginip ko kanina, baka nga tayo o ako ay mas matindi pa sa virus na ito pero sa dami ng sinabi ng aking ina, ang tanging nasambit ko na lang ay “oo nga, Ma”. Nagpunta na lamang ako sa kusina upang mag-almusal at ipagpatuloy ang pakikipag-kwentuhan sa kanya.