Letters of Youth

10 TULA PARA KAY MANUEL QUEZON

/ 29 August 2020

Una,

Manuel, pasensya na

Di man naging maaga,

ang pagkilala sayo’y mahalaga

 

Sa asignatura ko lamang sa Hekasi naririnig ang pangalan ni Manuel Quezon. Nakilala bilang naging presidente at Ama ng wikang pambansa. Ilang taong akong nasa elementarya, isama pa ang kalahati ng pamamalagi sa sekondarya at taon taon lumilipas lamang ang pagdiriwang ng Linggo ng wika.

Wala ni sa lagpas kalawakan ko’ng mga panaginip na mas magiging mahalaga pa pala sa kasaysayan ko ang buhay ni Manuel at ang Linggo ng wika.

 

Pangalawa,

Manuel, alam mo ba?

Di na bago ang luminya,

madalas nga sa harap ng masa

 

Bagama’t sa bawat taong pinapasinayahan ang Linggo ng wika, madalas ay lagi akong kasapi sa mga estudyanteng nagtatanghal. Mapa-balagtasan man, sabayang-pagbigkas, talumpati o deklamasyon, hindi ako nawawala sa eksena. Hindi ako kagalingan pero puwede naring pampadami ika nga ng iba.

Maraming taon ang lumipas nang matulin. Nasa ika-sampung baitang na ako, sekondarya. Ito nga malamang ang punto kung saan hindi na bago ang magkagusto.

 

Ikatlo,

Manuel, sa’tin lang ‘to

Mayroon akong tipo,

ngunit, mukhang may ibang gusto

 

Hindi ko alam kung paano talaga nagsimula. Hindi ko alam, pero sigurado ako, bago pa man maganap ang pagdiriwang ng Linggo ng wika nang sa taong iyon, may nauna ng naganap sa puso ko. May kasalukuyan akong gusto ngunit dahil sa bata pa ang puso, hindi pa tama ang panahon para umibig. Hindi pa tama – iyan ang nanatili ko’ng rason bago mapako ang aking atensyon sa isa ko pang kamag-aral. Ang problema, madalas siyang inaasar sa iba.

Gusto ko’ng kinukulit siya. Gusto ko’ng sinisira ang araw niya. Gusto ko’ng inaasar siya. Gusto ko siya.

 

Ika-apat,

Manuel, pwedi na ba akong magtapat?

Swerte nga ay sa akin lupimat,

nang siya’y aking makatapat

 

Nalalapit na ang Linggo ng wika. Naisipan ng aming tagapag-turo na ako ang siyang gumanap na Manuel Quezon sa gagawing pagsasadula ng buhay ni Manuel na taon-taon namang isinasagawa sa aming paaralan. Gaganap ako bilang Manuel at kung tamaan ka nga naman ng swerte, ang gusto ko pa’ng babae ang gaganap na Aurora, asawa ni Manuel.

Nagkaroon ng paghahanda. Nag-ensayo kami nang lubos bago sumapit ang mismong araw. Kapanganakan, pagkabata, pag-aaral, pag-aasawa at paglilingkod ni Manuel Quezon – dito umikot ang malikhaing presentasyon.

Isang eksena sa pagtatanghal na iyon ang hanggang ngayon ipanasasalamat ko kay Manuel. Upang maipakita na nabihag ng isang babaeng si Aurora ang puso ni Manuel, kailangan ko’ng lumuhod at halikan ang kamay ng aking kapareha. Sabi ng aming tagapag-turo, hindi kailangang totoo ang halik sa kanyang kamay na siya namang aming sinunod sa loob ng isang Linggong pag-eensayo, madalas ko pa nga’ng ginagawa ay noo imbes na ang labi ko ang idinadampi sa kaniyang kamay.

 

Ikalima,

Manuel, saan banda?

Saan nga ba?

Saang anggulo siya hindi maganda?

 

Sumapit na ang araw ng pagtatanghal. Hindi ko maramdaman ang aking katawan, hindi ko marinig ang maingay na paligid. Tila’y bago at bago sa akin ang humarap sa maraming tao. Pagkatapos ng mga pananalita, mga pampasiglang bilang at mga seremonya, kami na ang sasalang upang magtanghal.

Nagawa naman lahat ng nakatakdang gawin sa bawat eksena ng buhay ni Manuel, sigurado ako doon. Kasunod na ang eksena ni Manuel at Aurora. Bahagya pa lamang kaming lumabas sa entablado ngunit dinig na dinig ko na ang hiyawan mula sa ibaba. Unang nagkita si Manuel at Aurora, nagkatitigan. Nailaglag ni Aurora ang kaniyang panyo at mabilis na dinampot ni Manuel upang ibalik sa kanya. Malagkit pa sa malagkit na kanin ang kanilang naging tinginan. Kasunod ang istorya ng pagpapakita ng pag-ibig. Nasa magkabilang dulo kami ng entablado, ngunit bakit sa layong iyon, tanaw na tanaw ko ang kaniyang kagandahan. Tandang-tanda ko pa, kulay rosas ang kaniyang kasuotan sa tagpong iyon. Dahan-dahang pumagitna kaming dalawa. Lumuhod ako, lumuhod si Manuel sa hanarap ni Aurora. Kinuha ko, kinuha ni Manuel ang kamay ni Aurora. Tinitigan ko siya, tinitigan ni Manuel si Aurora. Gagawin na namin ang aming napag-ensayuhan. Noo lamang, noo lamang Manuel. Noo lamang tulad ng dati, ngunit sa pagkalunod ko sa aming pagtititigan, hindi ko namalayang dumampi na pala ang labi ko sa kaniyang malambot na kamay. Hinalikan ko ang kaniyang kamay nang mas matagal. Sobrang tagal, siguro marahil hindi na ako makagalaw o kaya dahil napansin ko’ng tila tumigil ang buong mundo sa mga oras na ‘yon.

Saka lamang ako natauhan ng makitang kailangan ng gawin ang kasunod na eksena. Ako nga lang ba ang nakaramdam, ako lang ba ang nakapansin sa namumula niyang pisngi. Kakaiba!

 

Ika-anim,

Manuel, nabunyag ba ang aking lihim?

Nararamdama’y tila tamis at asim

Nagkaroon ng kulay ang dating purong itim

 

Alam kung itutukso nila ako sa kaniya. Alam ko iyon pero bakit hindi ako naiinis katulad noong inaasar nila ako sa iba, katulad noong mas mura pa ang aking edad. Sa katunayan, mas ginaganahan pa akong pumasok. Mas ginaganahan pa ako sa klase pero kung alam ko’ng papalapit na siya sa akin, gusto ko maglaho sa kaba.

Habang tumatagal, nakikilala ko siya nang mas mabuti. Mabait at maganda. Makulit din kung minsaan.

Matatapos na ang taon, mukhang matatapos narin ang kakarampot naming pansinan. Ayaw ko’ng ipilit na ipihit sa akin ang kaniyang pagtingin na alam ko’ng nasa iba. Hanggang makasama muna siya sa mga litrato, makasama sa mga praktis, ganito ko na muna tatapusin ang taong ito.

 

Ikapito,

Manuel, ganito ang bawat minuto

Nauubos sa mga pagsuyo

Panaho’y ‘di maiwasang mapako

 

Nasa ikalabing-isang baitang na kami. Nabuwag na ang mga dating pangkat ngunit hindi parin ako pinapabayaan ng swerte dahil kaklase ko parin siya. Hindi ko alam kung paanong nagpabago ang ihip ng hangin. Ayaw ko’ng patulan ang mga paasa ko’ng hinuha pero iyon ang nakikita ko, dinidinig na ng langit ang mga bulong ko sa kalawakan. Napapansin niya na ako.

Naging magkaibigan na kami. Mas marami ng oras na magkasama kami. Sabay na natututo sa bawat klase at pag-uugali ng isa’t-isa. Sabay na kumain sa karenderya tuwing tanghalian kahit na sa kabilang kanto lang naman ng eskwelahan ang bahay ko. Sabay na mamasyal kung may oras. Buong taon ay ganito lamang.

Sa sumunod na taon, tila mas lumalim ang aming pagkakilala sa bawat isa. Maraming naganap. Hindi ko alam kung gaano kalalim pero nahuhulog na ako ng tuluyan at ganon din siya sa akin. Tama ba? Tama ba ang nakikita ko? Tama ba na parehas na kami ng rason tuwing tinitingnan namin ang isa’t-isa. Walang kami, pero alam ko’ng parehas kami ng nararamdaman. Gusto ko siyang tuluyang maging akin, sana lang hindi matapos itong mayroon kami sa isa’t-isa kahit matatapos na ang huling taong makakasama ko siya sa loob ng isang eskwelahan, sa loob ng isang silid-aralan.

 

Ikawalo,

Manuel, kailangan ng magkalayo

Daang tatahakin ay hindi na sigurado

Nilimot na kaya ang mukha ko?

 

Kolehiyo. Alam ito ng marami, lalo na iyong kailangan lumayo para pumasok sa kolehiyo, sandamak-mak na pagbabago at pakikisama ang kakailanganin ko’ng pagdaanan. Panibagong mukha, panibagong eskwelahan, panibagong mga kaibigan, panibagong tirahan at panibagong mga pagsubok.

Mahirap para sa akin ang unang semestre. Kailangan ko’ng paglabanan ang maraming bagay – kalungkutan, pagka-inip, pakikibagay at ang mga mahihirap na aralin bilang pinaka-teknikal ko’ng suliranin. Kailangan ko’ng mas mag-fokus sa pag-aaral. Nakalimutan ko nang kamustahin siya. Nakalimutan niya na rin kaya ako? Gusto ko sanang mangamusta. May iba na kaya siyang tinitingnan? May iba na kayang kumukulit sa kanya? May iba na kayang sumisira sa araw niya? May iba na kayang nang-aasar sa kanya?

Sumapit ang kanyang kaarawan nang taong iyon. Wala sa isip ko’ng muli siyang guluhin, ang gusto ko lamang ay batiin siya ng maligayang kaarawan. Tinawagan ko siya at nagkausap kami. Habang umaandar ang oras ng tawag namin, tila bumabalik lahat. Bumabalik lahat ng kilig, lahat ng ala-ala at lahat ng nararamdaman.

Sa pagkakataong ito, sinabi ko na sa kaniya. Mahal ko na siya at hindi ko inaasahang matapos ang ilang buwang hindi ko siya naka-usap, mahal niya rin ako. Wala paring kami. Gusto namin magtapos ng pag-aaral. Gusto namin maabot ang aming mga pangarap. Gusto namin ang isa’t-isa at kahit magkalayo man kami, sana sa tamang panahon, kahit saan man kami dalhin ng mga hamon, ito ang mananatiling gusto namin.

 

Ikasiyam,

Manuel, dapat mong malaman

Buhay mo at pag-ibig man,

labis ko’ng pinasasalamatan

 

Sa kasaysayan, marami akong kilalang mga tao. Mga bayani na nagbuwis ng buhay nila. Mga alagad ng sining na may sari-sariling obra. Memorya ko nga ang mga nagawa ng mga naging presidente ng ating bansa, marami sa kanila, sobra akong napahanga. Ngayon, kasama doon si Manuel Quezon.

Kahanga-hanga ang naging buhay paglilingkod niya bago at sa panahong siya ay maging presidente ng Komonwelt. Isa sa mga natatanging bagay na katampok-tampok sa kaniyang termino ay ang pagkakatatag ng iisang wika para sa mga Pilipino.

Maging sa buhay pag-ibig, ako’y naging tagahanga niya. Hindi kumupas ang pag-ibig nilang mag-asawa sa isa’t-isa kahit pa matindi ang naging hamon ng pagkaka-luklok kay Manuel bilang presidente at pagputok ng kabi-kabilang himagsikan dala ng mga Hapon. Hindi lang ako ang nagsabi ngunit at pag-ibig nila ni Donya Aurora Aragon – Quezon ay tunay na hindi masisira kahit pa ng kamatayan. Kahit pa nang mawala na si Manuel, ipinagpatuloy ni Aurora ang pagtulong sa kapwa bilang pagpupugay sa kaniyang asawa. Kahanga-hanga.

 

Ikasampu,

Manuel, pasasalamat sayo’y puno

Sa aking Aurora,

ako ay ipinakilala

 

Marami na akong nasambit, mula sa paghingi ng tawad dahil hindi maaga ng malaman ko ang kahalagahan ng buhay ni Manuel hanggang sa pasasalamat sa kwento niya. Sa kwento niyang nangyaring nagbukas ng panibagong kwento, ang aking kwento.

Mananatili akong tagahanga, Manuel. Mananatili akong magpapasalamat. Hindi ko alam kung paano magtatapos ang kwento ko, ang sigurado ako, kung ako man si Manuel, nakilala ko na ang Aurora ng buhay ko.