‘WAG HUSGAHAN ANG UP SYSTEM DAHIL LANG NABALUKTOT ANG DILA NI BONGON SA WIKANG INGLES AT FILIPINO
Noong Enero 30, sa kasagsagan ng mainitang palitang-kuro hinggil sa pagwawakas ng University of the Philippines – Department of National Defense 1989 Accord naglathala ng isang komentaryo ang The Daily Tribune na ‘nagpapahiya’ sa UP Los Banos Student Council Chair dahil sa umano ‘utal-utal’ nitong pagsasalita sa isang media interview.
“UPLB SC Chair Can’t Speak Proper English or Filipino,” pamagat ng komentaryo saka ibinabalandrang ‘kahihiyan’ ng institusyon ang tinutukoy na iskolar, lalo sa taumbayang nagbabayad ng buwis para siya’y mapag-aral pero ‘mahina naman pala’.
Kinapanayam ng ABS-CBN News si UPLB SC Chair Jainno Bongon noong Enero 20 hinggil sa UP-DND Accord at dito napansin ng Tribune na hindi maayos ang pananalita ng naturang lider-estudyante.
Inilarawan nila ang tugon ni Bongon na ‘consisted of disorganized thoughts and sweeping generalizations, all of which drowned in his inability to speak in straight English or Pilipino (sic), and in his constant stammering and stuttering’.
Sinipi pa ang aktuwal na transkrip. Noong una’y nag-iingles ang iskolar hanggang sa sinabihan siyang maaari namang gumamit ng Filipino.
“Ayan… actually a lot of students expressed that they’re mo… more likely to be uh… to be… to be uh… asked uh… questions about their academics, about their organizations than to be recruited in the NPA, to be recruited in organizations (a)no, who participate in armed struggle uh… there is… there is the reality na… na… that U… there are… there were UP students… there uh… there were UP faculty members who… who chose to join armed groups, rebel groups (a)no… but uh… just like what any other uh… student leader in UP would say (a)no, na uh… ugh… mmm… it’s not a question if whether or not there’s recruitment or uh… it… in… inside the university. It’s… it’s… it’s… ano, e… uhm… question siya na bakit meron mga estudyante, meron mga faculty who… engage in such acts because it’s not just in UP (a)no, yung reality of social injustice.”
Para sa akin, hindi naman nakaririndi ang transkrip. Normal ito sa oral na diskusyon. Marahil, ang mas nakaririndi, ay ang walang kapararakang komentaryo ng Tribune:
“If that is how UP students speak, drastic reforms are badly needed in the state university. Taxpayers pay for the education of every UP student. Therefore, they have the right to expect that only the best of the best enter (sic) UP and graduate from UP. They also have the right to expect that anyone who carries the name of UP and who dares speak on national television should be an exemplar.”
Illustration by: SAM MANALANSAN
Ano ang punto ng Tribune? Na hindi magaling si Bongon dahil minsan siyang nautal sa panayam? Hindi ganito nag-ooperate ang mundo.
Bagaman napakasarap sa taingang makarinig ng sinumang mananalumpating matatas sa Ingles at/o Filipino (by the way, ‘Filipino’ hindi ‘Pilipino’) e hindi lamang ito ang sukatan ng kagalingan o kahinaan ng sinumang mamamayan.
Una, hindi lamang Ingles at Filipino ang mga wika sa Filipinas. Mayroon tayong higit sandaan. Kaya isa sa mga paliwanag ng hindi katatasan ng isang tao sa dalawang pangunahing wika ay sapagkat iba ang kinalakihan nitong bernakular.
Hindi ko naman personal na kilala si Bongon. Hindi ko rin naman siya naging estudyante pa. Pero sa Facebook, nang minsan kong bisitahin, siya pala’y mula sa Tabaco, bayan sa Albay. Samakatuwid, posibleng Bikol ang kaniyang unang wika at dito siya mas nakapagpapahayag ng damdamin.
Kahit na ganito, sinikap ng iskolar na isalin niya ang kaniyang pahayag sa wikang alam nang kalakhan nang sa gayo’y mas maraming Filipino ang makarinig ng panawagan ng mga mag-aaral. Hindi nito dini-discount ang Bikol. Sa katunayan ay puwede siyang tuluyang makipagdiskurso gamit ang naturang wika. Pero, para maging inklusibo ay pinili niyang gamitin ang lingua franca para sabihing ang isyu niya, ang isyu ng UP, ay isyu ng sambayanan.
Hindi problema kung nauutal o kung iba ang iyong bernakular. Siguro nama’y naaalala natin ang maaanghang na pagbi-Bisaya ni Miriam Defensor-Santiago (lorde, ibalik ninyo po siya sa amin). Na sa gitna ng balitaktakang legal ay maririnig natin ang mga komentaryo niyang halong Bisaya, Ingles, at Filipino. O, naging kabawasan ba ni Defensor-Santiago ang minsang pagkakautal? Hindi.
Pangalawa, pamilyar tayo sa performance anxiety at stage fright.
May mga indibidwal talagang mahina ang loob humarap sa maraming tao at sa entablado. Naalala ko nga noon, may kaibigan akong naatasang mag-report sa Math 2. Nang siya’y nasa podium na, wala siyang ibang ginawa kundi tumawa habang lumuluha. Wala siyang nasabi ni isang kompletong pangungusap.
Nang siya’y umupo, ipinaliwanag niyang takot siyang magsalita sa harap ng madla at talagang umuurong ang dila kahit na ilang ulit pang magsanay. Ang tendensiya, natatawa siya at naiiyak. Laude siya, by the way. Mahusay sa larangang pampalakasan.
Ilan sa mga manipestasyon ng stage fright o pagkakaroon ng ‘phobia’ sa pampublikong pananalita ang panginginig, pagkahilo, pagkatuyo ng labi, pagpapawis, pamumula, at pagkautal. Malimit mangyari ang fright kahit sa mga artista, debater, at public speaker, lalo na kung masasadlak sa pagkakataong hindi alam kung paano maoorganisa.
Ang pagiging kinatawan ng konseho at ng buong UP ay hindi maliit na bagay. Lalo na sa unibersidad na pinuputakte ng kritiko, ito’y isang malaking atang sa sinumang balikat. At kung si Bongon ma’y nautal dahil sa pangambang magkamali sa telebisyon o sa sadyang ‘takot’, ‘gulat’, ‘balisa’ na magsalita sa maraming tao at sa kamera, normal ito at hindi nakapanliliit. Hindi ito kabawasan sa kaniyang pagiging iskolar ng bayan.
Pangatlo, hindi lamang pananalita ang sukatan ng katalinuhan sapagkat buhay ang teorya ni Gardner sa multiple intelligence, na sa madaling sabi ay nagpapaliwanag na posibleng mahusay ang indibidwal sa maraming larangan kahit na hindi siya gaanong magaling sa iilan.
Malaya ang Unibersidad ng Pilipinas. Kumikilala at tumatanggap ito ng samot-saring indibidwal mula sa magkakaibang lahi at kultura. Makatatagpo ka rito ng iba’t ibang klase ng tao na mayroong magkakaibang antas ng kagalingan – musika, panitikan, siyensiya, teknolohiya, palakasan, wika, pananalita, at iba pa. Hindi kailangang mahusay ka sa lahat, bagaman oo, mayroon talagang pinagpala’t kahit saan mo dalhin ay namamayagpag, pero hindi ito ang katotohanan ng madla. Kaya nga mayroong tinatawag na major-pinagkakadalubhasaan.
Posibleng hindi ka mahusay magsalita pero hindi ito nangangahulugang hindi ka na mahusay at all. Hinahanap, patuloy na naghahanap ang bawat iskolar ng bayan ng dominyon kung saan niya higit na maiaambag ang ganang talino’t husay at kung saan makapaglilingkod nang husto tungo sa kaunlarang pambayan, na batid ko’y pinoproseso pa rin kahit ni UPLB SC Chair.
Matapang at may paninindigan si Bongon. Kahit na alam niyang hindi siya dalubhasa sa wika’y humarap pa rin siya sa kamera saka nanawagan na samahan ng bayan ang laban ng UP at ng mga iskolar.
Sulit ang buwis ng taumbayan para sa mga tulad ni Bongon na sabay nag-aaral at nakikipagbuno para sa karapatan ng bawat mamamayan. Minsan mang nautal ay hindi dahilan para bitawan ang paninindigan – tanda ng honor at excellence.
Ano ngayon kung nautal? Who knows… marahil ay above all class naman ang kanyang utak at tiyak na matuwid ang pagkatao… kaya nga naiupong lider at pinuno ng UPLB Student Council.