Columns

PAREHONG TAMA ANG ‘NATUTUHAN’ AT ‘NATUTUNAN’ PERO…

/ 9 May 2021

Isa na namang online bardugalan ang nasaksihan ng netizens nitong mga nakaraang araw nang muling mag-upload si GMA 7 Journalist Kara David ng Filipino grammar lesson sa Tiktok, YouTube, at Facebook. Aniya, ‘natutuhan’ ang wastong salita at hindi umiiral ang salitang ‘natutunan’.

Ikinagulat ito ng madla sapagkat ang nakasanayan palang ‘natutunan’ ay mali. Gayundin, matututuhan ng sambayanan na apat lamang ang hulapi sa wikang Filipino: -han, -an, -hin, at -in.
De rossi stops: 1st degree injury to the hamstring of the right thigh clen max 40mcg 100 pills right arm biceps contracture.
Sa gitna ng daang libong video views and comments umusbong ang oposisyon. “Nagkakalat pa rin ng lagim si Ms. Kara David sa kanyang balarila,” sabi sa trending Facebook post ni Mhawi Rosero, isang linggwistasero.

Aniya, tiyak siyang mayroong salitang ‘natutunan’ at “sinumang nagsasabing wala, di ko alam kung anong Tagalog/Filipino ang gamit nya.”

Gúlat ang sambayanan, lalo na ang mga guro’t mag-aaral – na sa gitna ng pandemya, maiisip nilang ‘kulang’ ang kaalaman nila sa wikang pambansa – ang kursong pilit iniaalis ng Commission on Higher Education sa kolehiyo sapagkat ‘alam’ naman na raw ng mga Filipino.

‘Natutuhan’

Minsan akong niregaluhan ni Prop. Eilene Narvaez ng UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng ‘Kulo at Kolorum’, akda ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario. Dito ko unang nabasa ang kaso ng ‘natutuhan’ at ‘natutunan’.

Ani Almario, pareho namang tama ang natutuhan at natutunan dahil “kapuwa ginagámit ng mga tao ang naturang dalawang anyo.” Tama ang natutuhan sapagkat nagwawakas ang ugat na ‘túto’ sa alam nating hulaping -han. At giit niya, wala naman táyong napag-aralang -nan. Wala rin ito sa balarilang iniakda ni Lope K. Santos (hindi ko po siya kamag-anak). Wala rin ang naturang salita sa anumang akda ni Balagtas hanggang Dekada 80.

Sa likod nito, sinabi ni Almario na mayroong umuusbong na mga salitang gumagamit ng -nan, partikular sa bokabularyong akda nina Noceda at Sanlucar – katotohanan, kasalanan, tawanan (katatawanan), at nakayanan. Ang pagpapanganak naman sa mga salitang tingnan (tingin + an) at tangnán (tangan + an) ay bunga ng pagtitipil.

Tinangi rin niya ang salitang ‘nakayanan’ sapagkat ito lamang umano ang may lehitimong paggamit ng -nan, na, paliwanag niya’y uri ng aberasyon. Sinasang-ayunan ko ito dahil ang “nakayanan” at “nakaya” ay may isang kahulugan lamang.

Palagay ko, kung susundan ang ganang paliwanag, aberasyon din ng natuto/natutuhan ang natutunan. Gayunpaman, hindi ko sinasabing mali ang natutunan. Natural na rekurso ng wika na magbago batay sa gamit ng nagsasalita. Ang pilit ko lamang nilalabanan ay ang paggigiit ng mga linggwistasero na ang paliwanag nila ang tama. Akala ko ba’y ‘hayaan ang tao na magpasya’? Bakit hindi nila hayaan si Kara David, halimbawa, na magpasya at magturo ng palagay niyang ‘tama’?

‘Natutunan’

Sa post ni Rosero ibinida ang konsepto ng ‘epenthesis’ – prosesong morpoponemikong nagdaragdag ng tunong sa salita dala ng paglalapi. Sa ‘h’ lumalabas ang ‘n’ kapag kinakabitan ng hulaping -an at -in (sabi niya, hindi hulapi ang -hin at -hin kundi mga allomorph) sa mga salitang di nagtatapos sa impit. Halimbawa niya, paa + an à paanan. Gayundin ang paliwanag sa hangganan (hangga + an + tunog n à hangganan) at tawanan (tawa + an + tunog n à tawanan) kaya na + tuto + an à tunog n à natutunan.

Samantala, sabi naman ng hinahangaan kong guro, Resty Cena, magkabaryasyon ang natutuhan at natutunan. Ipinaliwanag niya sa FB (marahil sa bago niya ring librong ‘Morpolohya ng Filipino’) ang kaibhan ng mga nililitis na salita.

Unang assumption ni Cena, ang mga salita na sa sulat ay nagtatapos sa patinig (sa tutuo) ay nagtatapos sa -h. Dito, aniya, kumakapit ang hulapi.

Natutuhan      Natutunan

tutoh                tutoh

na-tutoh-an      natutoh-an

natutuhan        natutuhan

Sa kung bakit naging ‘natutunan’, wika umano ng marami, sumisingit ang -n (bagaman walang motibasyon) sa tila nawawalang -h: natutuhan à natutu(h)nan.

Ngayon, kung ikokonsidera ang tinatawag na ‘vowel deletion’ (dakip + in à dakipin à dakpin), magiging: natutuhan-an (pangalawang hulaping -an) à natutuhnan (vowel elition) à natutunan (pag-aalis ng h).

Sabi pa ni Prop. Ricardo Nolasco ng UP Departamento ng Lingguwistika, “Walang pantig sa Tagalog na maaaring magsimula sa patinig kaya imbes na sabian, sisingitan ito ng h à sabihan. Gayundin sa tawaan, sisinginan ng n à tawanan.

Tanong marahil kung bakit madalas ‘n’ sa halip na ‘h’ ang singit, direkta niyang tugon, “hindi namin alam.”

Paglago at Pakikipagdiskurso

Ito siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit ko minahal ang Philippine Studies sapagkat ang wika ay hindi gaya ng matematikang may sinusundang formula. Ang wika, gaya ng panitikan, ay diskurso. Nagbabardugalan ang mga paham sa kung ano ba ang angkop at/o tama at sa bardugalang ito lumalago ang tao, ang bayan, ang wika, at ang lahat pa ng mga kaakibat nitong lumalago.

Sa gramar, madalas kinakahon ang saliwaang pananaw sa deskriptibo at preskriptibong grupo. Ang una’y nagpapaliwanag kung paano ginagamit ang wika, samantalang ang sumunod ay sa kung paano dapat ginagamit ang wika.

Magkaaway bang talaga ang dalawa? Sagot ko’y hindi.

Gaya ng sigalot sa pagitan ng natutuhan at natutunan, puwede namang umiral nang sabay ang dalawang school of thought (?). Sa katunayan, naniniwala rin akong sa diskurso, sa intelektuwal na bardugalan, patuloy na nabubuháy at lumalago ang wika. Ngayon pa lamang, makikita natin kung gaano nagulantang ang taumbayan, di ba? Lahat may opinyon, lahat may pakialam. Samakatuwid, mahalaga para sa lahat ang usaping wika.

Pasintabi sa dating direktor ng KWF, ha. Nabasa ko kasi ang komento niya’t tanong kung bakit daw ba nangingialam si David sa isyung hindi naman niya alam. Hindi ko lamang siya ma-call out bilang paggalang, pero sa isip ko, “bakit hindi?” Para lamang ba sa mga major ng Filipino at Lingguwistika ang usaping ito? Marapat buksan natin ang diskurso sa publiko. Hindi lamang sa akademiko ang usaping wika. Huwag sabihang ‘lagim’ at ‘kálat’ ang Tiktok ni David. Matuwa pa nga tayo’t unti-unting nakikita ng mga Filipino ang halaga ng ating mga dinidiskurso.

‘Natutuhan’ o ‘Natutunan’?

Nabanggit ko na kanina: parehong tama dahil parehong tanggap ng lipunan. Ang akin lang, kailangang maging masinop sa paggamit ng wika. Hayaang umiral ang lahat ng pananaw pero dapat nating tukuyin ang ‘wastong anyo’. Hindi natin sasabihing mali ang iba, ha! Sadyang nangangailangan lamang ng estandardisadong sistemang pangwika na gagamitin sa pagtuturo sa mga mamamayang [at sa mga dayuhang] nagnanais sumuong sa makulay na landas ng Filipino. Tanong ko nga, “Kung may Amerikanong mag-aaral ng Filipino, anong gramar ang ituturo natin kung lahat pala’y tama?”

Para mas maging madaling maituro sa mga mag-aaral ang wika, nararapat lamang na mayroon tayong ituring estandard, ng masasaligang tuntuning nakabatay sa wika at ‘balarilang’ tanggap ng kalakhan, kundi man, ng mayorya. Biro ko pa nga, “Paano na tayo magho-host ng spelling bee kung tanggap pala lahat ng baybay?”

Paglilinaw lamang din: Hindi ko sinasabing magkaroon ng estandardisasyong sistemang pangwika ang lahat ng mga wika sa Filipinas. Hindi ko rin sinasabing mag-adjas ang mga bernakular sa pambansang wikang Filipino. Palagay ko, hayaan natin ang mga paham ng kani-kaniyang wika na magdesisyon at magbalangkas ng sarili nilang sistema. Kakikita ko lamang na may Ortograpiyang Waray. Ang grupong Iloko ay aktibo rin sa pagbubuo ng kanila.

Ang one-million-peso question: sino ang dapat manguna sa pagsisinop? Taumbayan. Taumbayan sa tulong ng mga paham ng wika.

Nasimulan na ni Almario ang ‘Manwal sa Masinop na Pagsulat’, limbag ng Komisyon sa Wikang Filipino. Nais nitong magsajes kung paano masinop na magagamit ang wika. Ako man, hindi ko ito masundan. Nagsasanay pa ako hanggang ngayon dahil marami akong nakasanayang taliwas sa suhestiyon ni Almario. Ang nakatutuwa lamang, sinimulan na niya ang pagsisinop. Libre pa ang libro at káyang mada-download ng sinumang nais mag-aral. Libre ang libro. Libre ang pag-aaral ng manwal. Walang bayad. *wink*

Parehong tama ang natutuhan at natutunan pero sinupin natin. Sabay na gawin ang pagpapalago ng wika at pagsisinop sa paggamit nito. Matututuhan din natin ito sa hinaharap.