Columns

PALAKASIN IMBIS NA TANGGALIN ANG MTB-MLE

/ 8 March 2021

Ipinapanawagan ng 170+ Talaytayan MLE, Inc. ang pagpapalakas pa ng Mother Tongue-Based Multilingual Education sa basic education sa pamamagitan ng 28-araw na tuluyang kumperensiya na nagsimula noong Pebrero 21 hanggang Marso 20.

Layon ng International Mother Language Conference and Festival 2021 na itanghal ang samo’t saring pananaliksik na nagpapakitang higit na mainam gamitin ang wikang bernakular sa pagtuturo ng anumang akademikong larang sa mga Filipinong mag-aaral.

Sa isang panayam ng The Philippine Online Student Tambayan kay Dr. Ricardo Nolasco, tagapagtatag ng Talaytayan, winika niyang ang MTB-MLE ang pinakaangkop na paraan upang maabot ng edukasyon sa bansa ang pinakamataas na kalidad. Sa ganitong paraan mas mahahasa ang mga Filipino na maging kritikal sa anumang aralin at isyu ng lipunan.

Tampok ng kumperensiya ang mga propesor at iskolar mula sa iba’t ibang panig ng daigdig bitbit ang mga karanasan sa pagtuturo ng agham, teknolohiya, matematika, sining, wika, at panitikan gamit ang unang wika ng mga ginagabayang mag-aaral.

Dinadaluhan ito ng daan-daang mga Filipino upang makipagtalastasan at makipaghasaan ng kaalaman hinggil sa MTB-MLE. Sa katunayan, noong nakaraang linggo lamang ay naghatid din ng panayam si Department of Education Undersecretary Diosdado San Antonio para iulat ang tagumpay ng pagpapatupad ng MTB-MLE hanggang Grade 3. Aniya, inaaral na ng Kagawaran kung paano pa ito mapalalawig sa mga susunod na taong panuruan.

TANGGALIN ANG MTB-MLE?

Sa likod ng plataporma ng Talaytayan ang pagpapatuloy ng Cordillera Advocates for Real Education sa pagkilos para tanggalin na ang MTB-MLE sa kasalukuyang kurikulum ng DepEd sapagkat, taliwas sa pinatutunayan ng IMLCF, ay nakasisira lamang ito umano sa pag-aaral ng mga siyentipikong sabjek.

Ibinatay nila ang kanilang posisyon sa resulta ng 2019 Trends in International Mathematics and Science International Student Assessment Test kung saan muling nangulelat ang Filipinas sa ranking ng mga karatig-bansa sa pagbasa, matematika, at agham at teknolohiya.

Ayon sa CARE, makikita umano sa TIMSS na hindi Ingles ang dahilan ng mababang marka ng mga mag-aaral kundi ang ‘new language policy’ ng DepEd na muling bumubuhay sa paggamit ng MTB-MLE kahit na hindi naman umano nakatutulong sa edukasyon, bagkus ay nagiging primaryang dahilan ng mababang marka sa international tests.

Paliwanag ng grupo, “MTB-MLE products scored 61 points or 17.03 percent less in Mathematics and 83 points or 25 percent less in Science than their counterparts in 2003, the only other time the country joined the TIMSS Grade 4 test. They also placed last of 58 countries versus the third to the last finish of the 2003 batch.

“With the failure of the claim that our showing in the TIMSS will improve if we use our own language as medium of instruction, all the alleged benefits of MTB-MLE listed in DepEd Order No. 74, series of 2009, have turned out to be mere illusions,” dagdag pa.

Ikinawing pa sa TIMSS ang resulta ng katatapos lamang na 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics Assessment ng United Nations Children’s Fund at ng Southeast Asia Ministers of Education Organization.

Mababasa rito na 27 bahagdan ng Grade 5 students ang hindi pa rin marunong magbasa at hindi papasa sa kahulugan ng pagiging ‘reading literate’.

Bunsod nito’y kanilang hinahamon ng tanong si Education Secretary Leonor Briones.

“So Madam Secretary, what for should the MTB-MLE be extended since it is a total failure?”

“Clearly, in the nearly nine years, the MTB-MLE did not benefit our school children but had in fact prejudiced them. Going by what already happened, there is no guarantee that even with radical changes, the policy will deliver in the end. We therefore urge the DepEd to base its decision on the fate of the MTB-MLE on these cold evidences. The country cannot afford a language policy which pulls down instead of raises the quality of our education.”

Iniulat ng The POST noong nakaraang mga buwan ang posisyong papel isinumite ng CARE sa House Committee on Basic Education and Culture na nanghihikayat sa mga kongresistang alisin na ang MTB-MLE dahil hindi naman nito umano naisasakatuparan ang dapat nitong layunin.

Una na nilang winika, “If the DepEd disagrees with our conclusion that the number of non-readers in elementary and high school escalated after the introduction of the K to 12 curriculum and the MTB-MLE, we ask them to produce proofs that there was a time in our history before SY 2012-2013 that there were more illiterates in public schools than now.”

ENGLISH ONLY, PLEASE

Ipinamalas ni Baguio City Representative Mark Go ang suporta niya sa CARE at sa mga indibidwal na nagsasabing buwagin na ang MTB-MLE at tuluyan na itong alisin sa kurikulum ng DepEd.

Nais paamyendahan ni Go ang Republic Act 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013 para alisin ang probisyon kaugnay sa paggamit ng mga rehiyonal na wika mula Kinder hanggang Grade 3.

“While the intentions of the law to develop the country’s regional languages and make education more accessible and learner-oriented are noble, the Philippine educational system is confronted with several realities that make the current use of the mother tongue as medium of instruction counterproductive,” pahayag ng kongresista sa ulat ng The POST noong Enero 31.

Dagdag niya, “The formative years of the students from Kindergarten to Grade 3 are crucial in preparing them for personal and academic development. Ultimately it is the development of the learners that would suffer when we impose the mandatory use of the mother tongue when the teachers themselves are not equipped to teach using the mother tongue, and the learners are more competent with using Filipino or English.”

Nahuhuli rin at hindi umano naiintindihan ng mga bata ang mgA sabjek dahil hindi nakasulat sa wikang ginagamit sa paggawa ng mathematical equations, halimbawa. Grade 4 pa kasi huhubugin ang husay nila sa Filipino at Ingles na palagay ng kongkresista’y hindi wasto at atrasado.

Para naman kay Cebu City Representative Eduardo Gullas, Ingles ang wikang marapat gamitin sa mga mag-aaral para tumaas ang marka ng mga Filipino sa Math at Science. 

Magkagayon ay suportahan sila ni Go sa pagsasabing ang medium of instruction sa mga pampublikong paaralan ay dapat Ingles sa halip na Filipino o iba pang mga wika sa Filipinas.

“[We have to go] all out in reinforcing English as the medium of instruction in all school levels.

“[Poor English reading and comprehension skills] have handicapped our students in math and science,” posisyon ni Gullas.

Pahabol pa, “Clearly, a student who cannot readily understand English will have difficulty solving math or physics problems couched in English.”

IPAGTANGGOL ANG MGA WIKANG BERNAKULAR

Mariin namang tinutulan ng grupong Tanggol Wika ang mga nasabing panukala patungkol sa wika. Ito umano’y labag sa konstitusyon at hindi nagsusulong ng nasyonalismong Filipino.

Sabi ng Tanggol Wika, ““We have had enough of an English-only system. Let us do away with the neocolonial mindset and steer our education system towards local needs.

“DepEd should not listen to the likes of Gullas. DepEd should instead work towards strengthening Filipino as the primary medium of instruction and other Philippine languages as auxiliary medium of instruction as per the 1987 Constitution’s language provisions.”

Sa artikulo ng The POST noong Enero nakalatag ang isa pang opinyon ni University of the Philippines Diliman Center for International Studies Professor na dating Faculty Regent Ramon Guillermo.

“Totoong maraming dahilan ang kabulukan ng sistemang pang-edukasyon. Ngunit kailan kayo/tayo matututo na ang pinaka mahalaga sa lahat ay ang pagkaintindi ng mag-aaral ng leksiyon? Magagawa lamang ito kapag hindi wikang banyaga ang gagamitin sa pagtuturo ng mga bata.”

Diniriin niyang mas maraming matututunan ang bata kung sariling wika ang gagamiting panuro sa lahat ng kursong kinukuha mula basic hanggang tertiary education, taliwas sa isinusulong ng CARE at ng ilang mga mambabatas.

“Labis nating pinahihirapan ang mga batang Filipino samantalang walang ganitong balakid ng banyagang wika ang karamihan ng mga mauunlad na bansa na magagaling magbasa, mahuhusay sa matematika at may binubuga sa siyensiya. Hindi Ingles ang kanilang ginagamit na wikang panturo,” dagdag ni Guillermo.

MAS DAPAT PANG PALAKASIN ANG MTB-MLE

Kabaligtaran sa CARE ang analisis ng Talaytayan sa mababang resulta ng TIMSS.

Sa ginanap na Balitaktakan sa Salamayaan Pre-Conference Discussion ng Talaytayan at The POST diniin ni Nolasco na ang datos na inilalatag ng CARE ay mas makapagtitibay pa nga ng panawagan ng kanilang grupong palakasin ang MTB-MLE sapagkat ang tunay na esensiya nito’y ‘pagsasakonteksto’ ng mga aralin upang higit na maintindihan at mailapat sa araw-araw na pamumuhay.

Kaya umano mababa ang markang nakukuha ng Filipinas sa international tests gaya ng TIMSS at PISA ay sa karahupan sa aplikasyon ng siyensiya at agham, na ang sanhi nito ay ang hindi paggamit ng unang wika sa pagtuturo.

‘Pagsasakonteksto’ ang dulog ng MTB-MLE, hindi lamang simpleng ‘pagsasalin’. Aniya, hindi naman kailangang isa-Filipino ang mga siyentipikong termino, dapat lamang itong ipaliwanag sa wikang naiintindihan ng mga mamamayan.

Sinusugan ito ni Pauline Mangulabnan ng University of Fukui. Bilang gurong Filipino sa Japan, naobserbahan niyang ‘inang wika’ ang dahilan kung bakit hanggang mahusay ang mga Hapon sa matematika. Sa halip kasing ipilit sa mga bata ang banyagang konsepto ay isinasakonteksto muna ito; inilalapat sa mga karaniwang halimbawa gamit ang wikang ginagamit sa kani-kanilang mga tahanan.

Kung gagamiting modelo ng Japanese Education Culture, ani Mangulabnan, ay mas maaarok ng mga Filipino ang mga gawain sa paaralan. Kung naipaliliwanag lamang sa Filipino at iba pang mga bernakular ang mga paksa at na ang wika’y ginagamit nang palagian, sa iba’t ibang uri ng pakikipag-ugnayan, panitikan man o siyensiya, ay mas mapalalago ng mga mamamayan ang kanilang mga sarili.

Masusi ipinapaliwanang nina Nolasco, Mangulabnan, at ng iba pang mga propesor ang nasabing paksa sa tulong ng higit sa 40 panel discussions ng IMLCF na magaganap hanggang Marso 20. Magkagayon, para mas maliwanagan sa isyu ay inaanyayahan ang mga iskolar na makilahok at makipag-ututang dila.