HEALTH BREAK NGA BANG TALAGA? WALA LANG INTERNET, THAT’S WHY
Kaya nakapagtataka. Ang administrasyong walang humpay kung magpataw ng mabigat na gawaing pampaaralan, ang unibersidad na kung maningil ng matrikula’y hindi na makuwenta sa taas, ang nangangako ng kung ano-anong bagay pero hindi tinutupdan, ang ngayong umiintindi ng kalagayan ng kanilang mga mag-aaral? Ang magpapasimuno ng ‘health break’ kuno? Baka wala lang internet kaya walang pasok, ano?
Ang hirap ng online classes. Mag-aaral, guro, kahit na mga magulang ay nag-aadjust sa bagong modalidad na ito ng pag-aaral. May ilan pa nga akong kakilalang halos buong araw nang nakatutok sa harap ng kompiyuter sapagkat ang synchronous classes ay walang humpay mula pagdilat, 7 n.u., hanggang bago matulog, ika-6 n.g. Nakapapagod.
Wala naman kasing choice, ika nga, sapagkat kahit pa mas lumalala ang panganib na dala ng Covid19 ay kailangan pa ring magpatuloy sa pag-aaral. Ayon sa Department of Education, hindi dapat nahihinto ang pagkatuto kaya maling magpatupad ng academic freeze. Hindi puwedeng lumabas? Nariyan naman ang ating mga cellphone at laptop para sa online class. Mahalaga ang edukasyon kaya against all odds ay mag-aaral pa rin tayo.
Wala namang mali rito. Naalala ko nga, pangaral pa ng nanay kong magsikap sa paaralan para maani ang magandang kinabukasan. Gayunpaman, iba kasi ang panahon ngayon. May krisis-pangkalusugan; may nakahahawa at nakamamatay na pandemya. Hindi tulad noon na eksam at research papers lamang ang iintindihin, ngayo’y sandamukal at halos hindi mo na mawari. Si nanay at tatay ay napatalsik sa trabaho. Si ate, kailangang kumayod at pumasok sa opisina. Si kuya naman, hinuli ng pulis dahil wala raw face mask. At ang lolo’t lola’y inuubo at nahihirapang huminga – PUI, PUM.
Bunsod nito’y hindi ka na magtataka kung bakit sa mga unang buwan pa lamang ng online classes ay marami nang sentimyentong naglipana sa social media. Ang hirap pala talagang mag-online class. Ang isa kong kaibigan, pinili na lamang mag-drop. Hindi na raw niya kaya ang araw-araw na pagpapaload ng GoSurf50 at hindi rin siya matuto sapagkat hindi niya kinakayang mag-aral habang naghahanapbuhay. Ang hirap pala talagang mag-online class.
Kahapon, sa gitna ng mga alalahaning banggit, sumambulat sa atin ang sunod-sunod na anunsiyo ng mga paaralan sa Filipinas. Walang pasok. Ang linggo ng Setyembre 25-30 ay ilalaan para sa pagpapahinga na tinawag nilang ‘health break’. Batid umano ng administrasyon ng mga paaralang ito na nahihirapan sa adjustment period ang laksang mag-aaral sapagkat ito ang unang beses na nagsagawa ng fully online classes. Inaalala raw nila ang kalusugan ng mga mag-aaral kaya nagpatupad sila ng isang linggong pahinga.
Kay sarap nito! Biyaya! Tuwang-tuwa ang lahat sapagkat sa wakas, dininig ang matagal nilang hiling na panandaliang paghinga. Tuwang-tuwa ang lahat sapagkat mabuti ang paaralang kanilang pinapasukan – may pusong maka-estudyante.
Pero, isang linggo? At isang biglaang anunsiyo?
Isang araw bago ang ‘health break’ ay nagpabatid ang PLDT at SMART Communications na magkakaroon ng emergency maintenance ang international cable server nito na makapagdudulot ng isang linggong antala sa serbisyo ng internet at phone signal – Setyembre 25-30.
Nangamba kaagad ang taumbayan, lalo na ang mga mag-aaral na nakaiskedyul kumuha ng mga pagsusulit at magkumpleto ng mga pananaliksik. Inaalala pa nila na baka sa gitna ng pagsusulit ay mawalan ng koneksiyon at awtomatikong markahang zero ng software na ginagamit ng kanilang guro.
Humingi ng maagang paumanhin ang mga naturang internet provider at inaming malaki ang posibilidad na maapektuhan nito ang online classes. Ngayon pang naghahabol ng mga aralin ang mga guro, unang markahang pagsusulit ng hay-iskul at midterm exams naman sa kolehiyo, siyang tunay, malaking abala nga. Hihinto ang buhay kung walang internet.
Hanggang sa nag-anunsiyo ng health break daw.
Sinubukan kong suriin ang academic calendar ng isang unibersidad sa Espanya ngayong taong pampanuruang at wala naman sa orihinal nilang plano ang magbigay ng ‘health break’. Kung tunay nga ang kanilang intensiyon, kung talagang sila’y umaalala sa kapakanan at kalusugan ng mga mag-aaral, hindi ba’t dapat sa simula pa lamang ng tao’y nakatakda na ang mga araw ng paghinga at pahinga? Regalo ba ito para gawing surpresa?
Pinutakte na sila ng samu’t saring reklamo nitong mga nagdaang buwan dahil sa umano’y hindi makatarungang paniningil ng halos limampu’t limang libong pisong matrikula kada semestre – ubod nang taas na bayarin kahit na ni anino ng unibersidad ay hindi makikita ng magsisipag-enroll.
Parehong unibersidad ang kinakalampag ng libo-libong mag-aaral sa pagpataw ng mga gawaing akademikong hindi na maarok sa rami. Dagdag pa’y hindi magkamayaw ang bawat isa sa paghabol sa dedlayn na sobrang bilis.
Kaya nakapagtataka. Ang administrasyong walang humpay kung magpataw ng mabigat na gawaing pampaaralan, ang unibersidad na kung maningil ng matrikula’y hindi na makuwenta sa taas, ang nangangako ng kung ano-anong bagay pero hindi tinutupdan, ang ngayong umiintindi ng kalagayan ng kanilang mga mag-aaral? Ang magpapasimuno ng ‘health break’ kuno?
Wala ito sa plano. Hindi nila inaasahan ang anunsiyo ng PLDT at Smart sa pagbagal ng internet. At para wala na lamang magreklamo – preemptive kumbaga – huwag nalang pumasok. Suspendido nalang ang klase. Hindi para sa kalusugan, kundi para sa maisalba, at the very least, ang kanilang pangalan sa mata ng madla.
Walang pasok sa Setyembre 25-30 dahil sa ‘health break’? Baka wala lang internet?
Paalala lamang din na binabayaran ng mga mag-aaral ang bawat araw sa buong taon. Oo, kahit na itong limang araw na suspensiyon ng klase’y binabayaran din. Sa linggong ito, sila pa rin ang panalo dahil bayad ang kanilang paghinga at pahinga habang binabayaran ng mga mag-aaral ang kanilang paghinga at pahinga – na dapat sana’y karapatan at hindi na inililimos o ipinapakiusap pa.
Hindi ito health break talaga. Wala lang internet, that’s why.