WANTED: 900 TEACHERS SA BARMM
KAKAILANGANIN ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ng hindi bababa sa 900 bagong guro para sa nalalapit na pagbubukas ng face-to-face classes sa rehiyon, ayon kay Education Minister Mohagher Iqbal.
“We are urgently hiring. This is urgent because classes are to open in August,” sabi ni Iqbal.
Dalawang dibisyon ng eskwelahan sa lalawigan ng Maguindanao ang nangangailangan ng 400 guro habang ang lalawigan ng Sulu ay nangangailangan ng 500, para sa mga mag-aaral sa elementary at high school.
Ayon kay Iqbal, nangangailangan din ang ilang dibisyon ng eskwelahan ngunit hindi kasing dami ng demand sa Sulu at Maguindanao.
Binanggit niya na maraming volunteer teachers ang huminto na sa kanilang serbisyo ngayong pasukan matapos na itigil ng mga school board ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay sa kanila ng allowance.
Sinabi ni Iqbal na bago ang pagbubukas ng school year ay natugunan na nila ang kakulangan sa mga armchair at silid-aralan dahil mas maraming mga gusali at pasilidad ng paaralan ang naitayo sa buong rehiyon.
Inaasahan ng BARMM ang 600,000 bagong enrollees ngayong school year para sa basic education, na inaasahang aabot sa 2 milyon ang kabuuang populasyon ng mga estudyante.