Region

USAID NAG-DONATE NG P27-M LIBRO PARA SA LEARNERS SA BICOL

/ 5 September 2022

INANUNSIYO ng US embassy sa Manila na mahigit 540,000 iba’t ibang uri ng libro na nagkakahalaga ng P27 milyon ang ipinagkaloob ng United States Agency for International Development para sa mga mag-aaral sa Bicol.

Pinangunahan nina USAID Philippines Acting Deputy Mission Director Jennifer Crow at USAID Philippines Education Director Dr. Thomas LeBlanc ang handover ng mga aklat sa Sto. Domingo Central School at Salvacion Elementary School sa Albay province noong nakaraang linggo.

Ayon kay Dr. LeBlanc, nakikipagtulungan sila sa Department of Education para magkaroon ng mga babasahin na naaangkop sa kanilang edad ang mga mag-aaral na nagbabalik sa paaralan matapos ang mahigit dalawang taong distance learning.

Ito, aniya, ang unang batch ng mga libro na ipagkakaloob sa mga Pilipinong mag-aaral sa ilalim ng USAID Advancing Basic Education in the Philippines project.

Mahigit sa 1.2 milyong “early grade reading materials” ang ipamamahagi sa 7,000 pampublikong paaralan sa Region V (Bicol), Region VI (Western Visayas), at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa mga susunod na buwan na pakikinabangan ng 1.2 milyong Pilipinong mag-aaral, na bahagi ng kabuuang 63 milyong pisong donasyon ng USAID sa ilalim ng ABC+ project.