Region

‘UPLOAD’ CAMPUS JOURN WEBINAR NG THE POST TAGUMPAY

/ 20 December 2020

DINALUHAN ng daan-daang mga mag-aaral at guro mula sa iba’t ibang dako ng Filipinas ang katatapos lamang na Upload: Webinar on Campus Journalism na hatid ng The Philippine Online Student Tambayan at ng Department of Education Schools Division Office of Iloilo noong Disyembre 9-11.

Layon ng libreng webinar na maghatid ng samu’t saring araling may kinalaman sa campus journalism o peryodismong pangkampus, lalo sa panahon ngayong ang paghahatid ng etikal at makatotohanang balita ay labis na mahalaga upang makapagbigay ng pananggalang sa bawat mag-aaral, magulang, guro, at sa sambayanang Filipino.

Tinampukan ng walong paksa ang Upload na nagsulong ng responsableng paraan ng pagbabalita mula sa mga saliksik at aktuwal na karanasan ng mga pinagpipitaganang panauhin mula sa mga mahuhusay na unibersidad sa bansa.

Kahalagahan ng Maka-Filipinong Peryodikong Pangkampus

JCAng unang araw ng webinar ay sinimulan ng talakayan ukol sa Peryodismong Pangkampus: Kahalagahan ng Maka-Filipinong Peryodikong Pangkampus na inihatid ni John Carlo Santos, mag-aaral ng MA Araling Pilipino at instruktor mula sa Unibersidad ng Pilipinas.

Sa unang bahagi ng kaniyang presentasyon ay iminulat niya ang mga dumalo sa kalagayang kultural ng Filipinas, partikular sa usaping pangwika. Ayon kay Santos, marami pa ring mamamayan ang ayaw kumilala sa Filipino bilang pambansang wika’t lingua franca dulot ng isyu ng intelektuwalisasyon, superyoridad, at estandardisasyon. Matapos himayin ang lahat, sinabi ni Santos na ang solusyon sa sanga-sangang dilema ay sistematikong pagpaplanong wika na nagsisimula sa mga paaralan at sa peryodikong pangkampus.

Sinabi niya na may malaking gampanin ang mga peryodikong limbag ng mga paaralan sapagkat ito ang nagtuturo ng pagpapahalaga sa wika at sa kulturang Filipino. Ibinahagi niya rin sa mga manonood ang borador ng Estilong Filipino ni Prop. Eilene Antoinette Narvaez ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, UP Diliman. Iminungkahi niyang sa pagpapatuloy ng maka-Filipinong pagbabalita’y mahalaga ang pagtutok sa estilo at sa masinop na paggamit ng wikang simbolo ng kaakuhan ng bayan.

Si Santos ay isang gradwadong mag-aaral ng MA Araling Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng Kasaysayan at Buhay at Mga Gawa ni Rizal sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Nagsusulat din siya ng mga balita’t artikulo sa The Philippine Online Student Tambayan. Dating Program Officer ng J. Amado Araneta Foundation, si JC ay aktibong nakikiisa sa mga gawaing pampagpapaunlad ng pamayanan sa loob at labas ng Maynila.

Gabay sa Pagsulat ng Opinyon

EROSSinundan ito ng lektyur ng isa sa mga tinitingalang manunulat sa bansa, si Eros Atalia, ukol sa pagsulat ng opinyon.

Pribilehiyo, hindi karapatan, ang pagiging peryodista lalo na ang pagsulat ng opinyon, para kay Atalia. Palagay niya’y mayroong katangian ang taong iyon na posibleng nakahihigit sa karamihan. Ang katangiang ito ay pagkakaroon umano ng higit na mataas na sensibilidad sa karamihan dahil may masasabi siyang hindi basta-basta masasabi ng karamihan.

Diretso niya ring binigyan ng gabay ang mga school paper adviser at ang mga mag-aaral na sumasali sa mga patimpalak gaya ng National Schools Press Conference. Sinabi niyang hindi dapat nagpopokus sa ‘formulaic’ writing ang mga bata dahil pinapatay nito ang ubod ng pagsulat ng opinyon. Sa tuwing magsusulat, ang puso’y dapat naroon habang tinitiyak na naaabot ng iyong wika ang mas maraming mambabasa.

Naging interaktibo ang dalawang oras na pagkukuwento ni Atalia sapagkat binigyan niya ng pagkakataong magbukas ng mikropono via Zoom ang mga kalahok na gustong magbigay ng opinyon. Nagpasalamat naman silang lahat dahil marami silang natutunang bagong kaalaman mula sa award-winning na manunulat.

Kilala si Atalia na may-akda ng walong aklat ng nobela, maikling kuwento, dagli, at sanaysay. Nagwagi sa National Book Awards, Best Book in Filipino Novel ng National Book Development Board, ang nobela niyang “Ang Ikatlong Anti Kristo”. Naisapelikula na sa Cinemalaya at na-adap bilang musicale ang kaniyang aklat na “Ligo na U, Lapit na Me” at naitanghal na rin sa 8th Cinemalaya ang kanyang kuwentong “Si Intoy Syokoy ng Kalye Marino”. Isasapelikula ng Viva Entertainment ang dalawa niyang nobela, kung saan si Atalia rin ang nagsulat ng iskrip. Kasalukuyan din siyang nagtuturo ng Creative Writing, Literature, at Screenwriting sa De La Salle University Manila.

Four Guiding Principles in Feature Writing

LEONaturalmente, sa anumang peryodiko, isa sa nagbibigay-buhay rito ang lathalain at iba pang pampanitikan, lifestyle, na kung tawagin ay feature writing. Minabuti ng pamunuan na imbitahan si Leo Balante, ang founder ng Rank Magazine at ang Executiver Editor ng The Feed —  ang entertainment, culture, and arts section ng The POST.

Paulit-ulit niyang binigkas sa madla na ang pinakaepektibong paraan ng pagsulat ng mahusay na lathalain ay ang tuluyang pag-aaral at pagkilala sa iyong sabjek sapagkat mahirap magsulat kung hindi mo alam at hindi malapit sa iyong puso ang paksa.

Binigyang-patunay niya ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ilang mga karanasan sa industriya, mula sa UST Publishing House, hanggang sa Rank at The POST. Bilang editor at manunulat ay nakatrabaho na niya ang mga nangungunang pangalan sa akademya at showbusiness at makailang-ulit na rin siyang nakapaglimbag ng mga lathalaing nakatutok sa mga nangungunang diskurso sa Filipinas, partikular ngayon sa pag-usbong ng Boys Love Series gaya ng Gameboys.

Dagdag ni Balante, hindi dapat pag-aaral at pagkilala lamang ang taglay ng isang manunulat. Dapat din na sa lahat ng oras ay nagpapakita siya ng respeto, lalo na sa usaping kultural, at ng inobasyon tungo sa pagtataas ng antas ng mga akda. Mainam na magkaroon ng ‘go-to topic’ sa tuwing susulat subalit bilang peryodiko, ang bawat isa’y laging inaasahang mag-step up.

Pagsulat at Epektibong Pag-uulo ng mga Balita

‘Back to basics’ ang mensaheng bumungad sa mga manonood ng Upload nang simulan ng batikang mamamahayag na si Rey Briones ang ikalawang araw ng campus journalism webinar, sapagkat ang paksang bitbit niya’y mga pamamaraan sa pagsusulat at pag-uulo ng mga balita.

BOSS RBAng unang 30 minuto ay inilaan niya sa mga batayang aral ng pagbabalita. Ang mga elemento nito — timeliness, proximity, impact, prominence, oddity, conflict, human interest — ay araw-araw na sinusuri. Sinabi niya na bukod sa pagiging komprehensibo at mapagkakatiwalaan ay napapanahon din marapat ang balita. Pampaaralan man ito, politika, aksidente, patimpalak, o kung ano pang uri ng istorya.

Inisa-isa niya rin ang pagtimpla sa head o headline at kicker, lead, at katawan bilang istruktura ng balita. Ang katawan, na sumasagot sa mga tanong na ano, sino, saan, kailan, bakit, at paano ay ‘di dapat malimot ng sinumang mamamahayag.

Sa ikalawang hati ng kaniyang oras siya tumutok sa mga taktikang pag-uulo ng balita. Labas sa teknikalidad nito gaya ng font style, font size, at font color, ang paglalaro sa mga salita para mas makapukaw ng atensiyon ng mga mambabasa ay dapat na isinasaalang-alang din. Dito niya ibinahagi ang karanasan nang pangunahan niya ang pagkakaroon ng tabloyd sa tinitirhang probinsiya.

Si Briones ay apat na dekada nang nasa industriya ng pamamahayag. Nagsimula siya bilang patnugot ng mga peryodikong pampaaralan hanggang sa naging peryodista sa Daily Express (1978), Evening Post (1980), Manila Times (1987), People’s Journal (1992). Taong 1998 naman nang maging managing editor at editor-in-chief siya ng Carlo Publishing House, ang palimbagan ng Pinoy Tribune, Bulldog, at ang tanyag na Remate. Kasalukuyan siyang executive publisher ng nag-iisang business tabloyd sa bansa — PILIPINO Mirror.

Cyberlibel at Usapin ng ‘Malisya’

ATTYAng biruan ng mga peryodista, sa tuwing mag-uusap ang mga ito, ay kung ilan na ang natanggap at napanalunang kaso ng libelo. Minsan pa nga’y ‘trophy’ ito ng mga batikang mamamahayag sapagkat tanda ito umano na sila’y napapansin na ng mga mamamayan at kumukurot na sa puso’t diwa ang mga namumutawing salita.

Labas sa mga biruang ito ang bigat ng kasong libelo, na mas pinatalim pa ng cyber libel sa panahon ng social media. Magkagayo’y dito uminog ang paksa ni Atty. Renfred Tan.

Ang diskusyon ay nagmistulang konsultasyon sapagkat maraming mga guro’t mag-aaral ang nagbato ng mga katanungan hinggil sa legalidad ng ilan sa kanilang mga akda. Isa-isa naman itong maingat na tinugunan ni Tan nang may diin sa usapin ng malice o malisya.

Dalawang mukha ng malisya ang inilatag niya sa Upload Webinar —  malice in law at malice in fact. Kadalasan, kung malice in law, ang ‘offended’ party rito ay indibidwal. Ang malisya rin ay presumed at hindi na kailangan pang patunayan kung may malisya ngang talaga o wala ang isang artikulo, lalo na kung ang ubod nito’y patungkol mismo sa buhay ng partido.

Sa malice in fact naman, ang ‘offended’ party ay isang public figure. Kabaligtaran sa malice in law, hindi presumed ang malisya rito at dapat na patunayang positibo nga ang pagnanais, desire at intention ng manunulat upang yumurak ng pagkatao.

Ilang mga case study ang ginawang halimbawa ni Tan, partikular sa kontrabersiyal na sina Maria Ressa at Reynaldo Santos ng Rappler.

Si Atty. Tan ay abogado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation. Naging Associate din siya sa Palafox Patriarca Romero & Mendoza Law firm at dito niya nakuha ang karanasan sa general litigation practice. Nagtapos siya ng Bachelor of Laws sa San Beda University at ng BA Sociology sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

Kahalagahan ng Dihital na Paglilimbag sa Panahon ng Pandemya

Parehong sa ikalawa at ikatlong araw ay bumisita’t nakipagtalakayan si Edwin Cordevilla sa mga manonood ng Upload Webinar on Campus Journalism hinggil sa usapin ng Digital publishing sa panahon ng pandemya, journalism sa panahon ng social media, at responsableng paggamit ng internet.

EDBilang isang kilalang kritiko at manunulat ay binuhay niya ang webinar sa tulong ng mga maaanghang na salitang tiyak na kumintal sa puso ng mga dumalo. Pagbabahagi niya, sa panahon ng pandemya, marami ang tumigil at napilay gaya ng ekonomiya. Pero, kailanman, ang papel ng mga manunulat at peryodista ay hinding-hindi matitibag.

Bilang mga Filipino ay responsibilidad natin ang bawat isa at sa tulong ng social media ay makapaghahatid tayo ng ayuda at mensahe ng bayanihan. Hinamon niya ang mga mag-aaral na maging tapat sa sarili at mag-aral nang mabuti, makialam sa nangyayari sa lipunan. Gayundin, sa mga guro at administrasyon ng mga paaralan, na panatilihing malaya ang peryodikong pangkampus at bigyan ng tinig ang mga kabataang pag-asa ng bayan.

Pinabaunan pa ni Cordevilla ang mga manonood ng inspirasyon at mga kuwentong batay sa karanasan nang isulat niya ang mga akdang Phoenix and Other Poems (2000), The Occasions

of Air, Fire, Water, Earth (2012), at Ten Thousand Lines Project for World Peace (2013) kung saan siya nagwagi ng Golden Pen Award.

“Para sa bayan,” iyan ang pinal na pahayag ng dakilang manunulat nang tanungin kung para kanino dapat nagsusulat at kung ano ang pinaghuhugutan niya ng lakas sa tuwing magsisimula ng bawat akda. Ang bayan, ang Filipinas, ang kapakanan ng mga Filipino, ang inuuna niyang palagian.

Dekalibreng Peryodikong Pangkampus

Malaki ang pasasalamat ni SDO Iloilo Superintendent Dr. Roel F. Bermejo sa pamunuan ng The POST para sa malalimang talakayan hinggil sa campus journalism. Sinabi ni Bermejo sa pagtatapos ng tatlong araw na webinar na sigurado siyang maraming naiwang aral akademiko at aral sa buhay ng mga dumalo mula sa mga paaralan sa buong bansa. Ang mga ito’y magagamit nila para sa pagtataguyod ng dekalibreng peryodikong pangkampus.

Nagpasalamat din ang The POST, sa pamumuno ni Atty. Karen Briones, sa mga dumalo at nakiisa sa pinakauna nitong webinar.  Naging posible ang gawain sapagkat maraming mga mag-aaral ang nangangailangan ng araling gaya nito at ang The POST ay isinilang para sa kapakanan ng mga mag-aaral, guro, paaralan, at buong sektor ng edukasyon.

Nakatanggap ang The POST ng sertipiko ng pagkilala mula sa SDO Iloilo at ng mga imbitasyon para sa mga dibisyong susunod na bibisitahin ng nangungunang online na peryodikong pangmag-aaral sa Filipinas.

Ang Upload: Webinar on Campus Journalism ay hatid ng The Philippine Online Student Tambayan at ng Department of Education Schools Division of Ilolilo, sa pakikiisa ng San Miguel Corporation, Meralco, Calcium-Cee, Sogo, Jimini Pizza, at Great Minds.