Region

UP, UST SCIENTISTS MAGKASAMA SA RESEARCH EXPEDITION SA BULKANG TAAL

/ 22 November 2020

SA ILALIM ng proyektong ‘Agham ng Bulkang Taal’, ang mga siyentista mula sa University of the Philippines Diliman at University of Santo Tomas ay magkakasamang tutungo sa isla ng Bulkang Taal para sa isang research expedition sa Disyembre 5.

Layon ng pananaliksik na makilala pa ang bulkan tungo sa pinakaepektibong pangangalaga rito, pati ng iba pang yamang matatagpuan sa paligid gaya ng flora, fauna, isda, at iba pa.

Pamumunuan ni Dr. Lillian Rodriquez ng UP Terrestrial Research of Ecology and Evolution Laboratory ang ekspedisyon, kasama sina Dr. Mario Aurelio ng UP National Institute of Geological Sciences, Dr. Alexander Young ng UP Institute of Environmental Science and Meteorology, at Dr. Rey Donne Papa, Dekano ng UST College of Science.

Lahat ng kalahok ay tanyag sa kani-kanilanf larang ng pananaliksik gaya ng pangangalagang ekolohikal, biyolohiyang wildlife, pangangasiwa sa mga insekto, Philippine mollusk, araling polusyon, human genome, at ang pinakabago’t pinakamalaki, ang pagdiskubre sa Philippine Rise, mas kilala sa tawag na Benham Rise.

Inaasahang awtput sa mga siyentista ang isang akademikong publikasyon, sa lente ng akademya, na tatalakay sa kung paano mas epektibong mapangangalagaan ang kalikasan at kung paano pa mas mapauunlad ang interaksiyon ng tao’t kalikasan.

Ang gawaing ito ay inisyatiba ng First Asia Institute of Technology and Humanites – FAITH Botanic Gardens Foundation, Inc.

Ang FAITH ang nag-donate ng 176 ektaryang lupain para sa laboratoryong laan sa pag-aaral sa Bulkang Taal na kasalukuyang inihahanda para madeklara bilang isang nature conservancy area.

Sa parehong lupain itatayo ang binabalak na living laboratory of ecological and diversity conservation para sa mga mag-aaral at mananaliksik na Filipino.