Region

UNEMPLOYED EDUCATORS TEACHING ASSISTANT NA NGAYON SA ILOCOS NORTE

/ 18 October 2020

DALAWA ang itinuturing na pinakamalaking suliranin ng Department of Education sa pagbubukas ng bagong akademikong taon na walang face-to-face classes: mga mag-aaral na nahihirapang sagutan ang mga self-learning module at mga gurong nawalan ng trabaho dahil sa mga nagsarang paaralan.

Ang sitwasyong ito ang sinikap tugunan ni Burgos, Ilocos Norte Mayor Crescente Garcia sa pamamagitan ng paglilipon sa mga gurong walang trabaho upang maging teaching assistant ng mga mag-aaral sa bawat komunidad.

Ayon kay Garcia, maraming unemployed teachers ang nagnanais na tumulong sa mga magulang na hindi maturuan nang husto ang kanilang mga anak sa pagsagot ng mga module na ipinamimigay ng mga DepEd-accredited school sa Ilocos at tiyak aniyang makababawas ng alalahanin kung may  gurong handang magpaliwanag ng mga komplikadong konseptong mahirap gagapin kung binabasa lamang.

Dalawang teaching assistants ang nakatalaga ngayon sa bawat barangay upang libutin ang mga tahanang nangangailangan ng akademikong tulong sa kasalukuyang modular-blended learning na modalidad ng edukasyon.

Kinukumusta nila ang mga bata saka binabalikan ang ilang mga araling hindi nila naintindihan upang ang kalidad ng edukasyon ay manatili sa bayan ng Burgos.

Ang assistance ay may partikularidad sa matematika at agham sapagkat maraming mga magulang ang nagsasabing hindi nila tiyak kung paano ito ituturo dahil ang ilan ay mataas na lebel na ng mathematical equations.

Bukod dito, ang mga nasa Kinder  hanggang Grade 3 naman ay nangangailangan ng karagdagang gabay sa asignaturang Mother Tongue Based-Multilinggual Education dahil batay sa pinakahuling ulat ay marami ang hindi na marunong mag-Ilokano.

Labis na ikinatuwa ng mga magulang ang inisyatibang ito ng pamahalaan. Nabawasan na umano ang kanilang alalahanin pagdating sa academic requirement na kailangang tapusin ng mga bata sa bawat module na kanilang natatanggap.