UGNAYAN NG UP VISAYAS AT PHILIPPINE ARMY PINALAKAS
MAINIT na tinanggap ng University of the Philippines Visayas ang pagdalaw ng mga miyembro ng 301st Brigade ng Philippine Army sa pangunguna ni Brig. Gen. Marion R. Sison sa Miagao campus kamakailan.
Humarap sa pagbisita ni Sison si Chancellor Clement Camposano kung saan nagkasundo ang dalawa na isulong pa ang mutual understanding ng magkabilang panig.
Kasama sa napag-usapan ang pagsusulong ng magandang relasyon sa pamamagitan ng bukas na komunikasyon upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan lalo na sa usapin ng karapatang pantao at pagbibigay ng seguridad sa mga mag-aaral ng state university.
Sinabi ni Camposano na ang magandang komunikasyon at diyalogo sa militar at maging sa iba pang law enforcement agencies ang susi upang maiwasan ang mga problemang gaya ng hindi pagkakaintindihan na nauuwi sa sigalot.
Bilang pahiwatig ng magandang pakikipagkaibigan ay nagkaroon ng tour ang mga militar sa loob ng UPV Miagao campus at ibinida ni Camposano ang kanilang College of Fisheries and Ocean Sciences Research Facility and Hatchery Laboratory at ang Philippine Genome Center.
Nagbigay rin ng briefings sa militar sina Institute of Aquaculture Director Rex Traifalgar at PGC Director Noel Ferriols hinggil sa research activities na ginagawa sa nabanggit na mga pasilidad.
Iprinisinta rin nina Vice Chancellor for Research at Extension Harold Monteclaro sa kanilang mga bisita ang rundown ng UPV research, gayundin ang creative work projects ng mga mag-aaral ng nasabing unibersidad.