TWO-WAY RADIO GAMIT SA PAGTUTURO NG MGA GURO SA CATANDUANES
PINATUNAYAN ng mga guro sa Bato, Catanduanes na hindi hadlang ang kawalan ng internet para matuto ang mga mag-aaral sa ilalim ng distance learning.
Gumamit ng two-way radio ang mga guro sa pagtuturo sa mga mag-aaral. Parang classroom set-up din ang klase ni teacher Sherwyne Manlangit dahil real-time nitong nagagabayan ang kanyang mga Grade 6 learners sa Cagraray Elementary School. Ayon kay teacher Sherwyne, buo ang kanyang loob at hindi siya mapatutumba ng Covid19.
“Ito po ang aking sinumpaang tungkulin kaya kahit ano po ay gagawin ko para maibigay ko ang tamang kalidad ng edukasyon sa aking mga bata,” sabi ni teacher Sherwyne.
Dalawang asignatura ang pinag-aaralan ng mga learners kada araw. At gaya ng nakasanayan sa loob ng silid-aralan, ipinaliliwanag ni teacher Sherwyne at mga kapwa niya guro ang mga aralin gamit ang radyo.
Katuwang ni teacher Sherwyne sa pagbuo ng konsepto ng Radyo Eduko (Radyo Edukasyon Ko) ang mga kapwa guro na sina teacher Paul Xavier Tejerero at teacher Marites Manlangit sa gabay ni June Toledana ng Baras Rural Development High School at amateur radio club DX4ICG Island Communication Group Inc.
Sa ngayon, tumutulong din ang lokal na pamahalaan ng Bato at ilang pribadong indibidwal upang mamigay ng two-way radio at masigurong may magagamit ang bawat learner para sa kanilang pag-aaral.