Region

TWO-WAY RADIO GAMIT NG BINONGAN TEACHERS, LEARNERS SA ABRA

/ 15 March 2021

UPANG mapagaan ang pag-aaral ng mga mag-aaral mula sa Tribung Binongan sa Baay National High School sa bayan ng Licuan-Baay sa probinsiya ng Abra, naisipan ng isang guro na ilunsad ang Project DILAP o Developing and Improving Learner’s Academic Performance.

“Una sa lahat, hirap na hirap na ‘yung mga estudyante sa pagsagot sa mga module nila. May mga mangilan-ngilan na learners na independent o kaya ‘yung kayang mag-aral na mag-isa kaya naisip ko na mag-write up ng isang innovation na talagang makatutulong sa kanila,” sabi ni Teacher Paul John Dawal.

“Ang Project DILAP ay isang dayalekto sa aming mga Tribung Binongan na ang ibig sabihin ay ningning o kislap na sumisimbolo sa project at efforts ng mga teachers na nagsisilbing liwanag para sa mga mag-aaral na matuto sa gitna ng pandemyang ito,” dagdag pa nya.

Ayon kay Teacher Paul John, ang Project DILAP ay makapagbibigay ng learning assistance at remedial class sa kanila kahit na wala pang face-to-face classes gamit ang two-way radio.

Pagsasaka ang pangunahing kabuhayan ng mga tao sa lugar kaya malaking tulong ang proyekto upang tuloy-tuloy na makapagtrabaho ang mga magulang habang nag-aaral ang kanilang mga anak sa tulong ng mga guro gamit ang two-way radio.

“Noong wala pang pandemya sa mga oras na ito, nandito na ‘yung mga estudyante, kanya-kanya na ‘yan, linis ng loob at labas ng classroom nila. Nakaka-miss ‘yung mga estudyante, ‘yung face-to-face classes. At sana with God’s grace ay matapos na itong pandemya,” sabi ni Teacher Paul John.