Region

TV-BASED LESSONS GAMIT NG BAYBAY CITY SCHOOLS SA DISTANCE LEARNING

/ 16 November 2020

PORMAL nang inilunsad sa Schools Division Office ng Baybay City ang sarili nitong TV-based instruction bilang bahagi ng implementasyon ng Basic Education-Learning Continuity Plan.

Katuwang ng SDO ang lokal na pamahalaan na nagbigay ng pondo upang maipalabas sa dalawang local channels ang mga TV-based lesson.

May solusyon ding dinesenyo ang SDO para sa mga learner na walang access sa cable television. Namimigay sila ng  offline videos o digitized materials na personal na inihahatid ng mga guro. May scheduled home visitation sa mga learner at istriktong sinusunod ang health protocols.

“Kanya-kanyang paraan na po kami na ma-cater namin ang needs ng learners na sobrang excited na to learn pero hindi lang sila makapunta muna sa school,” sabi ni Leslie Arbiol, District In-Charge ng Baybay 2 District at Principal ng Baybay 2 Central School.

Tunay nga namang nakabibilib ang mga makabagong guro na walang ibang ninanais kundi ang patuloy na maihatid ang edukasyon sa mga learner sa kabila ng mga pagsubok na dulot ng kasalukuyang pandemya.

Mahalaga ang TV-based instruction sa distance learning, lalong-lalo na sa mga lugar na walang access sa internet.