Region

‘TSUPER ISKOLAR’ AARANGKADA NA SA BAGUIO

NAIS ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at ng Technical Education Skills and Development Authority sa Baguio na matulungan ang mga drayber at kanilang pamilya na magkaroon ng karagdagang kakayahan upang makapaghanapbuhay.

/ 7 December 2020

NAIS ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at ng Technical Education Skills and Development Authority sa Baguio na matulungan ang mga drayber at kanilang pamilya na magkaroon ng karagdagang kakayahan upang makapaghanapbuhay.

Dahil dito ay inilunsad ng dalawang ahensiya ang programang ‘Tsuper Iskolar’ para masuportahan ang laksang mga drayber sa lungsod ng Baguio at lalawigan ng Benguet.

Ang ‘Tsuper Iskolar’ ay isang scholarship program, sa pangangasiwa ng TESDA, na eksklusibo sa mga drayber at kanilang pamilya na apektado ng Jeepney Modernization Program ng pamahalaan.

Libreng pag-aaralin ng naturang mga ahensiya ang sinumang interesadong magkaroon ng National Certification sa iba’t ibang technical at vocational skills upang makaagapay sa anumang gawain at hanapbuhay na kanilang nais tahakin – sa industriya man ng transportasyon o iba pang sektor ng lipunan.

Ayon kay Engr. Elmer Mendoza ng LTFRB-Baguio, ang ‘Tsuper Iskolar’ ay may siyam na kursong nakapailaim sa NC II programs — bread and pastry production, slaughtering operations, security services, cookery, driving, heavy equipment operations for bulldozer, hydraulic excavator, wheel loader, at shielded metal arc welding.

Ang LTFRB ang sasala ng aplikasyon ng mga nais maging iskolar habang ang TESDA naman ang sasagot ng matrikula at iba pang kakailanganin sa pag-aaral.

Lahat ng kalipikadong benepisyaryo, bukod sa libreng pag-aaral, ay makatatanggap din ng P350 training support fund para sa pagkain at pamasahe. Libre pa silang makadadalo sa entrepreneurship training sakaling nais nilang magnegosyo.