TRAINING SA MGA GURO AT MAGULANG SA DAVAO DEL NORTE 100% NA
NASA 100 porsiyento na ang training sa mga guro at magulang sa Davao del Norte bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Oktubre 5.
Iniulat din ng Department of Education Region XI na ang pag-iimprenta ng modules ay nasa 34.73 porsiyento at 37 porsiyento naman ang estado ng kanilang online learning.
Bagaman mababa ang porsiyento ng online at modular learning, umabot naman sa 62 porsiyento ang kanilang radio at television learning at nasa 82 porsiyento na ang kahandaan ng lalawigan para sa kaligtasan ng mga guro at estudyante.
Ayon pa sa report, namahagi ang mga lokal na pamahalaan ng printing machines para maipagpatuloy ang pag-iimprenta ng learning modules.
Dagdag pa sa report, patuloy ang pakikipagtulungan ng mga principal sa mga school division upang masiguro na maayos ang magiging takbo ng mga klase sa school year 2020-2021.
Sinisikap ng mga ito na matapos ang lahat ng mga kakailanganin para sa online learning bago ang pagbubukas ng klase sa Oktubre 5. Sa ngayon ay umabot na sa 119,631 ang bilang ng enrollees para sa paparating na school year.