TIKTOK APP GAMIT NI TITSER SA BIKOL SA PAGTUTURO
ISANG guro sa Camarines Sur ang gumagamit ng Tiktok app sa pagtuturo sa kanyang mga estudyante.
Ayon kay Teacher Joseph Enriquez ng Agdangan Elementary School sa Baao, CamSur, bago pa man magkaroon ng pandemya ay ginagamit na niya ang Tiktok dances bilang warm up sa kanyang mga estudyante.
“I teach my learners Tiktok dances before we start our discussion in the morning. And they’re enjoying that naman po,” sabi niya.
Sa isa niyang video, kasabay ng kanyang pagsasayaw ay nakapaskil dito ang kanyang mga paalala sa mga estudyante na bigyang prayoridad ng mga ito ang pagsagot sa mga modules at bawasan ang paggamit ng social media at online games.
Naniniwala si Enriquez na malaking tulong din na masabayan ang paglaganap ng iba’t ibang apps at gamitin ito upang mas mapalawig pa ang edukasyon.
Inaalalayan din niya ang kanyang mga Grade 3 learner sa paggamit ng Facebook messenger upang mas mabilis ang komunikasyon.
Ayon sa kanya, hindi man ito regular na nakakapag-upload ng videos ay sinusubukan pa rin niyang maglabas ng content hindi lang para sa kanyang mga learner kundi sa iba rin niyang followers.
Paalala naman ni Enriquez sa mga magulang, bantayang maigi ang kanilang mga anak upang masiguro na educational content lamang ang kanilang binubuksan.