TESDA ILOCOS KAAGAPAY NG MGA MAGSASAKA SA MODERNISASYON
SINIGURO ng Technical Education and Skills Development Authority – Ilocos na kailanma’y hindi nila iiwan sa ere ang mga magsasaka sa usapin ng modernisasyon kung saan nakatakdang ilunsad ng TESDA ang pinakabagong farm mechanization training tungo sa ikauunlad ng kasanayang pangmagsasaka sa buong rehiyon.
Ang pagsasanay ay binuo eksklusibo para sa mga magsasaka at kani-kaniyang pamilya
na ang pangunahing hanapbuhay ay kultibasyon ng lupa at sinumang nakatala sa database ng Department of Agriculture Registry System for Basic Sector in Agriculture ay maaaring maging benepisyaryo ng proyekto.
Ayon kay TESDA Ilocos Director Aljon Cifra, ang inisyatiba ay bunga ng Rice Tarrification Law.
Sinabi niya na bahagi ng kinikita mula sa RTA ay napupunta sa naturang ahensiya na inilalaan naman nila sa pagpapataas ng kasanayan at edukasyon ng mga Filipinong nasa sektor ng agrikultura.
“For Ilocos Region, P40 million was given last year [mula sa mga taripa]. Iyang perang iyan ay ginagamit sa pagbibigay ng mechanization training sa ating mga magsasaka,” diin ni Cifra.
Ang ilulunsad na training ay nakatuon sa usapin ng pagpapaunlad ng mga pamamaraang pansaka, produksiyon ng bigas, pag-aaral ng merkado, gayundin ang pagtitinda.
Isisingit din ng TESDA ang module tungkol sa ‘edible garden’ na swak ngayong may pandemya – pagtatanim ng mga nakakain na halaman habang nasa bakuran sa halip na mga binhing pampaganda lamang.
Pahayag ni Cifra sa PIA, “Tinuruan tayo ng Covid19 pandemic ng importance ng agriculture. Habang walang vaccine, there is always a possibility na magkaroon ng another wave of infection at baka kapag nangyari ‘yan ay hindi na makayanan ng ating mga LGU na hatiran tayo ng mga relief goods. So, we need to establish sustainable food source.”
Isa lamang ang pagsasanay na ito sa Ilocos sa pumpon ng mga gawaing nakalatag sa ika-26 taong pagkakatatag ng TESDA ngayong 2020.