‘TELERADYO ESKWELA’ PINALAWIG NG DEPED-TAGUM
PINALAWIG ng Department of Education-Tagum City ang ‘TeleRadyo Eskwela, Tara Na!’ upang patuloy na matulungan ang mga estudyante sa distance learning.
Ang proyekto ay nagsisilbing gabay ng mga learner sa pagsagot sa kanilang mga modyul.
Ayon kay Harley Aglosolos, focal person ng TeleRadyo Eskwela, nagsimula ang proyekto noong second quarter ng School Year 2020-2021 dahil naging limitado ang kanilang paggalaw dulot ng pagtaas ng kaso ng Covid19 sa kanilang lugar.
Sinimulan ng mga guro ang pag-record ng audio lessons na ipinadala sa mga istasyon ng radyo at inere ang mga ito.
Sakop ng ‘TeleRadyo Eskwela’ ang mga aralin sa Kinder hanggang Senior High School sa lahat ng asignatura kabilang na ang Arabic Language and Islamic Values Education at Mother Tongue-based Multilingual Education.
Mapakikinggan ang mga ito mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Namahagi rin sila ng mga solar transistor radio at flash drive para sa mga mag-aaral na walang access sa internet.
“As of the moment and along this vein, the Division, through the centrally downloaded funds, has already procured and distributed to the most needy and deserving students considerable number of solar transistor radios and USBs making a reality Deped’s mantra “no child is left behind” despite and in spite all odds,” pahayag ni SDS Josephine L. Fadul.
Target ng DepEd-Tagum City na gawan ng TeleRadyo episode/version ang bawat module upang magamit din sa susunod pang mga taon.