TEENAGE PREGNANCY SA PINAS PUMALO SA 183,000 NOONG 2018
DAPAT unahin ng mga kabataang kababaihan ang pag-aaral, samantalahin ang kalayaan na makapaglaro at umiwas sa maagang pagbubuntis.
Ito ang binigyang-diin ni Bulacan Governor Daniel Fernando makaraang malaman mula sa United Nations Population Fund na noong 2018 ay may183,000 teenage mothers na nasa edad 10 hanggang 19 sa bansa.
Sa Bulacan ay may 5,129 kaso ng teenage pregnancy na naitala noong 2020, na bahagyang mas mababa kumpara sa 6,123 kaso noong 2019.
“Girls should not become mothers yet. They should be learning while enjoying their childhood,” ayon sa ama ng lalawigan.
Aminado si Fernando na matagal nang problema, hindi lang sa Bulacan, ang teenage pregnancy kaya dapat aniyang palakasin ang kampanya sa pagbibigay ng edukasyon sa kabataan, gayundin sa mga magulang hinggil sa masamang epekto ng maagang pagbubuntis.
Nanawagan si Fernando sa mga magulang na ipasok sa paaralan ang kanilang mga anak, lalo na ang kababaihan upang mailayo ang kanilang isipan sa maagang pakikipagrelasyon na nauuwi sa maagang pagbubuntis.
Sinabi pa ng gobernador na libre ang edukasyon sa bansa kaya samantalahin ito para matuto at magkaroon ng magandang kinabukasan ang susunod na henerasyon.