TEACHER SUGATAN NANG BARILIN NI MISTER SA LOOB NG ESKUWELAHAN
ARESTADO ng PNP Police Regional Office Eastern Visayas (PRO 8) ang isang jobless na lalaki dahil sa kasong frustrated parricide matapos niyang barilin ang kanyang misis na isang teacher sa loob mismo ng pinapasukang paaralan sa bayan ng Tanauan, lalawigan ng Leyte.
Ayon kay PRO 8 Director Brig. Gen. Jason Capoy, naganap ang pamamaril sa loob ng Tanauan School of Craftsmanship and Home Industries.
Pansamantalang ikinulong sa Tanauan Municipal Police Station ang suspek na nagtangka pa umanong mag-suicide gamit ang isang 29 or fan knife subalit mabilis na napigilan ng mga rumesponde.
Ayon sa report, pinuntahan ng nagseselos na mister na kinilalang si alias Dan ang kanyang misis sa nasabing paaralan sa Barangay Canramos, Tanauan, at dito ay binaril ang biktima gamit ang isang kalibre 38 baril.
Isinugod ng mga kasamahang guro sa pagamutan ang biktimang si alias Liza na nagtamo ng tama ng bala sa balikat at ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan.
Matapos ang pamamaril ay itinapon ng suspek ang ginamit niyang baril at tinangkang magsaksak sa sarili na napigilan naman ng mga pulis.
Napag-alaman na hiwalay ng tinutuluyang bahay ang mag-asawa.
Pahayag umano ng suspek ay nahuli niya ang kanyang misis na may ibang lalaki na karelasyon na itinanggi naman ng biktima.