TEACHER SA ISABELA TINAMAAN NG COVID19, NAG-SUICIDE
PINANINIWALAANG ang pagkakaroon ng Covid19 ang nagtulak sa isang lalaking high school teacher para wakasan ang kanyang buhay sa Tumauini, Isabela.
Sa phone interview ng The POST kay Police Major Rolando Gatan, hepe ng Tumauini Police Station, sinabi nito na nagtuturo sa Regional Science High School sa Tumauini ang biktima na hindi muna pinangalanan habang ang misis nito ay isa ring guro.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang umano’y pagpapakamatay ay nakipaglaro muna ang 41-anyos na guro sa kanyang 4-anyos na anak na lalaki.
Ayon naman sa kasambahay ng biktima, nakasanayan ng kanyang among guro na patulugin ang anak sa kanyang kuwarto ngunit hindi ito ginawa at sa halip ay sa ibang bahagi ng bahay pinatulog ang anak.
Sa pagtataka ay binuksan ng kasambahay ang kuwarto ng biktima at doon bumulaga ang nakabitin nitong katawan sa kisame sa loob ng silid.
Wala umano ang misis ng biktima sa bahay nang maganap ang pagpapakamatay at nasa paaralan pa ito.
Bago ang pagpapakamatay ng guro ay napansin umano ng mga kapatid nito na tila maysakit ito kaya isinailalim sa swab test ang kanyang bangkay.
Sinabi ni Gatan na nakausap niya ang Municipal Health officer ng Tumauini at kinumpirmang nagpositibo sa Covid19 ang nagpakamatay na guro.