TAYTAY LGU NAMAHAGI NG TABLETS SA GRADE 11 STUDENTS
NAMAHAGI ng 1,700 units ng tablet ang pamahalaang bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal sa Grade 11 students sa mga pampublikong paaralan para sa kanilang online classes.
Nagpaabot ng pasasalamat si Taytay District Supervisor Meliton A. Berin sa lokal na pamahalaan sa walang sawang suporta nito sa sektor ng edukasyon.
“Ngayong araw, nakatanggap tayo ng 1,700 units ng tablet mula sa pamahalaang bayan ng Taytay na gagamitin ng mga mag-aaral na Grade 11 para sa kanilang blended modality. Napakalaki ng magiging epekto at tulong nito sa ating mag-aaral dahil na rin sa kinakaharap nating pandemya,” sabi ni Berin.
“Ako’y nagpapasalamat sa ating Punong Bayan Joric Gacula sapagkat hindi niya pinababayaan ang ating mag-aaral. Pasasalamat sa kanyang walang sawang suporta sa Department of Education Taytay sub-office at pagbibigay tulong para sa ikabubuti ng ating bayan,” dagdag pa niya.
Pinaalalahanan din niya ang mga estudyante na gamitin nang maayos, pahalagahan, at ingatan ang gadget na kanilang matatanggap.
“Akin lamang na habilin para sa ating mga estudyante na mabibigyan ng tablet, sana ay pahalagaan at ingatan ang paggamit nito, kung ano man ang maging problema, asahan ninyo na kami ay narito para tulungan kayo at mabigyan ito ng solusyon,” dagdag pa niya.