TAX RELIEF SA PRIVATE SCHOOLS SA ANTIPOLO
PINAGKALOOBAN ng tax relief ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City ang mga pribadong paaralan sa lungsod para maibsan ang epekto ng pandemya.
Walang babayarang buwis sa business permit renewal ang mga pribadong paaralan sa lungsod.
“Good news sa mga private educational institution! Inaprubahan ng konseho ang pagbibigay ng tax relief sa lahat ng private schools,” sabi ni Antipolo Mayor Andrea Ynares sa kanyang Facebook post.
Ayon sa alkalde, waived na ang fees at charges na kailangang bayaran sa pagre-renew ng business permit.
Subalit sinabi ni Ynares na kailangan pa ring bayaran ang fire safety inspection fee at barangay clearance fee dahil hindi naman kabilang ang mga ito sa lokal na pamahalaan.
Kamakailan lang ay binigyan din ng tax relief ang mga maliliit na negosyante ng lungsod na kumikita lamang ng P200,000 pababa kada taon.
“Sana ay makatulong po ito sa ating mga private school at mga mag-aaral nila tulad ng mga naunang naibigay na tax relief sa mga negosyanteng below P200,000 annually ang kita at mga PUV driver (tricycle, jeep at UV) na hindi na rin siningil para sa kanilang territorial stickers at franchise renewal,” dagdag ng alkalde.