Region

‘TALENT ACADEMY’ INILUNSAD NG SK BROOKE’S POINT PALAWAN

/ 19 December 2020

PARA malinang ng mga kabataan ang kanilang talento at maging produktibo sa gitna ng pandemya ay minabuti ng Sangguniang Kabataan ng Brooke’s Point, Palawan na maglunsad ng programang tinawag na ‘Talent Academy’.

Ang akademya ay eksklusibong laan para sa mga kabataang nais tumulong o nangangailangan ng tulong sa pagpapaunlad ng kanilang kakayahan sa pag-awit, pagsasayaw, pagtatanghal, pagsusulat, at iba pa.

Ayon kay Jimart Naingue, ang SK na kaniyang pinamumunuan ay labis na nakasentro sa mga gawaing pang-edukasyon, lalo pa ngayong ang Palawan at ang buong bansa ay nasasadlak sa hamong dulot ng distance at online learning.

Sinabi niya na bilang pinuno ng pamahalaang kabataan, dapat ay palagian silang handang umagapay sa mga kapwa nila nangangailangan lalo pa’t walang ibang nakaiintindi ng mga suliraning bitbit nila kundi ang kapwa kabataan at mag-aaral.

Bukod sa Talent Academy ay nariyan din ang programang Student Station Program. Ibinida ito ni Naingue nang siya’y kapanayamin ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar sa Laging Handa Network Briefing noong Disyembre 17.

Ang Student Station Program ang flagship program ng SK Brooke’s Point na inilunsad simula noong unang araw ng pasukan. Namamahagi ang sanggunian ng school supplies, face masks, face shields, sanitary hygiene kits, sampu ng libreng pag-iimprenta ng modules mula sa Department of Education.

Napakalaking tulong ng dalawang nasabing programa para manatiling may alam ang mga kabataan ng bayan.

Mensahe ni Naingue sa mga kapwa niya lider na huwag mag-atubiling tumulong at makinig sa daing ng mga kabataan sapagkat sila ang pag-asa ng kinabukasan.