TABUK CITY SCHOOLS DIVISION OFFICE NAKA-LOCKDOWN
ISINAILALIM sa lockdown ang Tabuk City Schools Division Office matapos na magpositibo sa Covid19 ang isang guro roon.
Sa panayam ng The POST, sinabi ni Tabuk City Assistant Schools Division Superintendent Irene Angway na magsasagawa sila ng disinfection sa buong opisina.
Ayon sa kanya, isa sa schools division office at tatlo sa pinagtuturuan nitong eskuwelahan ang nakasalamuha ng guro.
Samantala, nasa 15 na nagkaroon ng close o direct contact sa guro ang kasalukuyang naka-quarantine at hinihintay ang resulta ng swab test.
“Nasa more or less 15, kasama ang kanyang pamilya. Actually, isa sa schools divisions office at tatlo mula sa eskuwelahan,” paliwanag ni Angway.
Nalaman ng guro na postibo siya sa Covid19 matapos na sumailalim sa swab test, na ayon kay Angway ay ‘mandatory’ kapag ang isang residente ay lumabas ng siyudad sa loob ng tatlong araw.
Napag-alaman na ang guro ay nagpunta sa Benguet upang magbakasyon nitong Disyembre at pagbalik sa Tabuk ay isinailalim sa swab test.
Bagaman naka-lockdown ang opisina, patuloy pa rin ang trabaho ng mga empleyado nito sa ilalim ng work-from-home na sistema.
Tatagal ang lockdown hanggang sa Biyernes o hanggang sa lumabas ang resulta ng swab test ng mga nakasalamuha ng guro.