Region

SYMPLE APP ANG LEARNING MANAGEMENT SYSTEM NG DEPED TARLAC

/ 13 October 2020

INILUNSAD ng Department of Education Schools Division Office ng Tarlac, kasama ang Pamahalaang Panlalawigan, ang Supporting Young Minds Program for Learning the Essentials mobile application na maaaring gamitin sa panahon ng distance learning.

Ang SYMPLE ay isang learning management system kung saan makikita ang mga electronic self-learning module mula sa DepEd Central Office, SDO Tarlac, at ng iba pang mga dalubhasang guro at tagamasid pansangay, sa lahat ng asignaturang itinuturo sa mga pampublikong paaralan, mula elementarya hanggang senior high school.

Simple lamang ang nabigasyon nito. Kailangan lamang i-download ng mag-aaral ang SYMPLE application, ilagay ang pangalan at paaralang kinabibilangan, matapos ay maaari nang mabasa at masagutan ang mga module na laan para sa kanila.

Pagkatapos i-download ang bawat module ay maaari itong sagutan kahit walang internet. Maaari rin nila itong i-print kung nais nila ng manwal o tradisyonal na pagsusulat ng mga sagot sa bawat talatanungan.

Para sa mga may internet at nagnanais na dumalo sa online class, ang SYMPLE ay may dashboard feature kung saan maaaring birtuwal na magkita ang guro at mga magkakaklase.

Ayon kay Tarlac SDO Superintendent Celina Vega, malaking tulong ang naturang LMS para sa mga guro, mag-aaral, at magulang sapagkat isang lugar na lamang ang kailangan nilang puntahan upang makita ang mga materyales na maaaring gamitin sa buong akademikong taon.

Mabilis, aksesibol, at ligtas pa ang naturang modalidad dahil  hindi na kailangan pang lumabas ng tahanan, makipagpalitan ng module, at mailagay pa ang sarili sa panganib na dulot ng Covid19.