SUV NAHULOG SA IRRIGATION CANAL, 7 LEARNERS NALUNOD
PINAIIMBESTIGAHAN na ng Philippine National Police ang pagkamatay ng 13 katao, kabilang ang pitong batang mag-aaral ng elementarya, makaraang mahulog sa irrigation canal ang kanilang sinasakyang sports utility vehicle sa Brgy. Bulo, Tabuk City, Kalinga.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang mga biktima ay namatay sa pagkalunod nang mahulog sa irrigation canal ang kanilang sinasakyang Ford Everest sa Bulo, Tabuk City pasado alas-6 ng gabi noong Abril 18.
Base sa report ni Police Brigadier General Ronald Lee ng Cordillera PNP, ang sasakyan ay minamaneho ng isang Soy Lope Agtula, BJMP personnel na nakatalaga sa Bontoc, Mt. Province at residente ng Cagubatan, Tadian, Mt. Province.
Bukod sa driver, 14 na iba pa ang pasahero ng sasakyan na kinabibilangan ng pitong batang mag-aaral ng elementarya at walong matatanda.
Nanggaling ang sasakyan sa Tadian, Mt. Province patungo ng Bulo Lake nang mangyari ang aksidente.
Kaugnay nito, inatasan ni PNP chief General Debold Sinas ang PNP Highway Patrol Group at mga local police unit na mahigpit na ipatupad ang batas laban sa overloading at iba pang mga batas kontra hindi ligtas na pagmamaneho.