SURIGAO IP COMMUNITY SCHOOLS MAY DEPED MODULES NA
NATANGGAP na ng Tiltilan at Palilihan Elementary Schools sa Gigaguit, Surigao del Norte ang mga distance learning module mula sa Department of Education Surigao nitong Setyembre 9.
Ito ay sa pangangasiwa ng grupong Propelling Our Inherited National Through Our Youth sa ilalim ng kanilang proyektong ‘Tabang Eskwela’.
Kasamang ipinarating sa mga paaralan ang 50 ream ng bond papers, 14 botelya ng ink, at 2 galon ng isopropyl alcohol sa pakikiisa ng IU Philippines at Philippine Army’s 30th Infantry Battalion.
Todo ang suporta ng 30IB sa inisyatiba ng POINTY-SDN. Wika ni Commander Lt. Col. Ryan Charles Callanta sa isang panayam, “We believe that this undertaking is another milestone for our unit to continue to serve the Surigaonons despite the continued threat of the pandemic.”
Naniniwala siyang hindi lamang panlipunang proteksiyon, kundi pagpapataas ng kalidad ng edukasyon ang dapat na matamasa ng Indigenous Peoples Community Schools sa Mindanao at ang proyekto ng POINTY-SDN ay nakapagpapatupad sa marangal na pananaw na ito.
“The programs and projects of POINTY-SDN is part of the unified efforts of different stakeholders to educate and care for the young IPs…” dagdag niya.
Ang proyektong ‘Tabang Eskwela’ ay may layuning tumulong sa mga mag-aaral na malayo sa sentro na makapagpatuloy sa pag-aaral ngayong distance learning lamang ang maaaring modalidad ng pagkatuto habang hindi pa natatapos ang krisis pangkalusugang dala ng Covid19.
Sa Oktubre 5 magbubukas ang lahat ng mga pampublikong paaralan sa buong Filipinas batay sa pinakahuling anunsiyo ng Department of Education.