Region

SORSOGON TEACHER NAGTAYO NG ‘PINKDEMIC CORNERS’ PARA LABANAN ANG ILLITERACY

/ 22 September 2020

PARA may pagkalibangan ang mga bata habang hindi pa nagbubukas ang klase, isang public school teacher sa lalawigan ng Sorsogon ang nagpupunta sa mga liblib na sitio para ilapit sa mga mag-aaral ang reading materials nang sa gayon  ay magtuloy-tuloy ang kanilang pagkatuto sa gitna ng pandemya.

Isa lamang ito sa mga adbokasiya ni Titser Michelle Rubio ng Calao Elementary School sa bayan ng Prieto Diaz, Sorsogon dahil marami na siyang ginawang mga proyekto para gabayan at tulungan ang mga pobreng mag-aaral sa kanilang lugar.

Higit pa sa pagiging guro, itinuturing ni Titser Michelle na parang mga anak niya ang kanyang mga estudyante. Sa katunayan, may mga estudyante siya na kanyang inampon, na itinuring na niyang tunay na mga anak.

Sa hangarin niya na lahat ng bata sa kanilang lugar ay matutong bumasa, nagtayo si Titser Michelle ng makeshift library na kung tawagin niya ay ‘Pinkdemic Corners’  sa mga sitio para magkaroon ng access sa reading materials ang mga bata roon.

“Itinayo ko po ito dahil nga po sa may pandemic po tayo at hindi puwedeng lumabas ‘yung mga estudyante po natin. So, ang ginawa ko po by sitio po ‘yung nilagyan ko para lahat may access ‘yung mga estudyante po natin,” kuwento ni Titser Michelle sa eksklusibong panayam ng The POST.

Ang mga magulang ng mga bata ang pupunta sa mga  pinkdemic corner’  para manghiram ng mga reading materials para sa kanilang mga anak.

“Dahil walang pasok, nilalapit natin sa mga estudyante natin ‘yung mga reading materials through creating pinkdemic corners,” wika ni Titser Michelle.

Paboritong kulay ni Titser Michelle ang pink at dahil may pandemyang kinakaharap ang bansa kaya tinawag niya itong pinkdemic.

“The objective of this [pinkdemic corner] is to cure illiteracy so that the school children will always be in the pink of health mentally,” sabi pa ni Titser Michelle.

“Dati ko po siyang home based libraries two years na po ‘yung home based libraries ko at dati mga bata po pumupunta doon sa home based libraries. At last July enhanced ko po siya  into pinkdemic corners dahil sa pandemic. Mga parents na po ang hihiram ng mga reading materials. Mga laminated reading materials po gamit natin dito para madaling ma-disinfect po,” dagdag pa niya.