Region

SK NG SAN ROQUE, NORTHERN SAMAR NAMAHAGI NG INTERNET ALLOWANCE

/ 25 November 2020

SA PAGPAPATULOY ng online classes sa ikalawang hati ng akademikong taon, sinikap ng Sangguniang Kabataan ng Zone 1 Poblacion ng San Roque, Northern Samar na maabot ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng internet allowance.

Ayon kay SK Chairman Junssen Corong, layon nilang mabigyan ang lahat ng mga kabataang mag-aaral ng tig-P500 one-time internet allowance hanggang Disyembre.

Nasa 80 college students na ang nakatanggap ng naturang pinansiyal na tulong nang magsimulang mamahagi ang konseho nitong Linggo, Nobyembre 22.

Sinabi pa ni Corong na ipagpapatuloy ng SK ang ganitong programa kada semestre hanggang may kapwa sila kabataang estudyante na nangangailangan ng tulong sa panahon ng online classes.

Gusto rin nilang isama ang high school at senior high school sa mga benepisyaryo kung mamarapatin ng kanilang badyet.

“Better online access has remained a big challenge for most students as they adapt to the new normal education. So, we decided to implement this project using our reprogrammed budget for sports activities,” wika ni Corong sa isang panayam.

Balidong school ID at certificate of registration lamang ang hinihinging katibayan ng SK para makatanggap ng ayuda. Walang mga karagdagang kwalipikasyon gaya ng marka at economic status.

“We have no other qualifications, whether or not enrolled in public school, or scholars,” dagdag pa ng SK Chairman.

Sa ngayo’y inihahanda na ng konseho ang susunod na bigayan ng internet allowance.