SINA TITSER WALANG GINAGAWA? “IT REALLY HURTS GOV. MAMBA”
UMANI ng negatibong reaksiyon ang mga naging pahayag ni Cagayan Gov. Manny Mamba laban sa mga guro na isa umanong insulto sa mga ito na dumaranas ngayon ng matinding stress at pagod dahil sa napakaraming trabaho at sa hindi nawawalang pangamba dulot ng pandemya.
UMANI ng negatibong reaksiyon ang mga naging pahayag ni Cagayan Gov. Manny Mamba laban sa mga guro na isa umanong insulto sa mga ito na dumaranas ngayon ng matinding stress at pagod dahil sa napakaraming trabaho at sa hindi nawawalang pangamba dulot ng pandemya.
Sa panayam sa radyo noong Oktubre 3, sinabi ni Gov. Mamba na, “Well sa tingin ko ay nag-eenjoy sila, nagsusuweldo sila wala naman silang ginagawa.”
Idinagdag pa ng gobernador na dapat ay huwag nang magreklamo ang mga guro at paghusayin na lamang ang kanilang trabaho upang hindi naman malugi ang gobyerno.
Kaugnay nito ay hinimok ng Teachers’ Dignity Coalition ang mga guro na patunayang mali ang sinasabi ni Mamba sa pamamagitan ng pag-post ng mga larawan o video na magpapakita ng kanilang mga ginagawa sa araw-araw.
Ayon kay Emmalyn Policarpio, Secretary-General ng grupo, maging siya ay nasaktan sa sinabi ni Mamba dahil inilaan na niya ang maghapon sa pag-record at pag-edit ng video orientation para sa kanyang mga mag-aaral sa Lunes, bukod pa sa napakaraming paperwork na nakapilia.
“Halos naiyak ako sa narinig kong sinabi ni Governor, lalo pa nga at kasalukuyan akong nahihirapan sa mga ginagawa kong trabaho na pawang bago sa akin. Gusto ko pong malaman ni Governor Mamba at ng lahat na hindi po nawalan ng trabaho ang mga guro mula noong Marso at kombinasyon iyon ng work-from-home at on-site reporting,” paliwanag ni Policarpio.
Sa live streaming program ng TDC kamakalawa ng gabi ay ipinaalala rin ni Policarpio sa mga guro na gamitin ang hashtag na #itreallyhurtsGovMamba at gawing trending ang usapin. Hihintayin din umano nila ang paliwanag ng gobernador kung bakit nasabi ang mga ganoong pahayag.
Para naman kay Benjo Basas, ang National Chairperson ng TDC, dapat madalaw ni Gov. Mamba sa bahay ang mga guro sa Cagayan upang makita niya mismo na kandakuba na ang mga ito sa napakaraming trabaho .
“Iyang sinasabi niyang suweldo ay kulang na kulang na rin sa daming gastusin sa paghahanda para sa distance learning. Lahat ng ito ay ginagawa ng mga guro para punan ang lahat ng pagkukulang. Bakit sa Araw ng mga Guro, imbes na papuri at pasasalamat ay tila insulto pa ang napili niyang iregalo?”
Sa kasalukuyan ay puspusan ang paghahanda ng mga guro para sa pagbubukas ng klase sa Oktubre 5 na siya ring idineklarang pandaigdigang araw ng mga guro o World Teachers’ Day. Batay sa tradisyon ay isang masayang pagdiriwang sana ang araw na ito subalit dahil sa krisis na dulot ng pandemya, idagdag pa umano ang mga ganitong pahayag ng ilang opisyal, ay magiging malungkot ang araw para sa mga guro.
Humingi naman ng paumanhin si Mamba sa mga guro sa kanyang mga naging pahayag.
Sinabi ni Mamba na wala siyang nais masaktan at hindi iyon ang kanyang ibig sabihin kundi nais lamang niyang hamunin ang mga guro lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan ipinagbabawal ang face-to-face classes.
Paglilinaw pa ni Mamba na mataas ang tingin niya sa mga guro at kanyang sinusuportahan ang pag-angat ng edukasyon sa lipunan lalo na sa kanyang nasasakupan.