Region

SERYE NG AKTIBIDAD HINGGIL SA DEKLARASYON NG MARTIAL LAW ILULUNSAD NG ATENEO HRC

/ 18 September 2020

MAGLULUNSAD ang Ateneo Human Rights Center ng serye ng mga aktibidad upang gunitain ang mga kaganapan noong napasailalim sa batas militar ang bansa sa ilalim ng rehimen ni yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Layon ng AHRC na ipahayag ang kanilang pagkondena sa nasabing yugto ng kasaysayan ng Filipinas, at ipanawagan ang ‘Never Again to Martial Law’ campaign.

Sa unang linggo, mula kahapon, Setyembre 17, hanggang 23 ay magkakaroon ng mga educational discussion at mga salaysay mula sa Martial Law survivors upang ilahad ang mga pangyayari nang napasailalim ang bansa sa batas militar noong Setyembre 21, 1972.

Sasabayan ito ng isang online rally sa Setyembre 21, kung saan magsasalita ang mga imbitadong panauhin upang manawagan laban sa mga inhustisya noong panahon ng batas militar na nararanasan pa rin hanggang ngayon.

Pagsapit naman ng Setyembre 25 ay maglulunsad ang AHRC ng isang Film Festival kung saan tampok ang mga pelikula tungkol sa mga karahasan noong panahon ng batas militar.

Sa huling araw ng serye ng mga aktibidad naman ay magkakaroon ng isang webinar tungkol sa kahalagahan ng pagboto at papel nito sa pagpapatibay ng isang demokratikong lipunan.

Ang mga partner na organisasyon na makikilahok sa mga serye ng aktibidad ay ang Ateneo Law Student Council, ASMPH Student Council, The Palladium, UP Manila Pre-Law Society, Matanglawin Ateneo, San Beda Law-Human Rights Advocates,Tabang Legal: XUCLA, at Online Legal Counseling.