Region

SEED FUND, FOOD PACKS IPINAMAHAGI SA BANGSAMORO YOUTH

/ 29 January 2021

MAGKATUWANG ang Bangsamoro Youth Commission at ang Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pagseserbisyo sa mga kabataan at mag-aaral na naapektuhan ng Covid19 pandemic.

Nagpaabot ng humanitarian assistance ang BYC sa 200 youth organizations at 1,000 kabataan sa pamamagitan ng food packs, sa ilalim ng ‘Lingkod Kabataang Bangsamoro’ program.

Ayon kay BYC Chairperson Marjanie Macasalong, ang ayuda ay para maibsan ang suliraning nararanasan ng mga kabataan at mga mag-aaral sa panahon ng pandemya.

Nagsimula ang Lingkod Kabataan noong 2020 makaraang ideklara ang pambansang kuwarentena, kung saan nagbahay-bahay ang komisyon sa nasasakupan upang masigurong lahat ay makakukuha ng food packs.

Samantala, 1,000  kabataan naman ang nakatanggap ng tig-P15,000 micro-enterprise seed fund mula sa MSSD.

Puhunan sa pagnenegosyo ang tuon nito, ayon kay MSSD Minister Atty. Raisa Jajurie, sapagkat ito ang nakikitang paraan upang maging sustenable ang mga pananalaping ayuda.

Nasa 2,500 na kabataan ang target na mabigyan ng naturang halaga kaya tuloy-tuloy pa rin ang programa sa buong BARMM.

“Hindi lang dito nagtatapos ang ating programs, dahil more programs are to be implemented pa,” sabi ni BYC Chair Macasalong.